Sen. Marcos nanawagan ng paghigpit sa pagpapatayo ng resort sa tourist sites

Nanawagan si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., kandidato bilang bise presidente, ng mahigpit na pagpapatupad ng mga environmental laws sa mga tourist sites sa bansa hindi lamang para maprotektahan ang kalikasan kundi masiguro ang tuloy-tuloy na hanap-buhay ng mga residenteng umaasa ng kanilang kabuhayan sa turismo.

Ayon kay Marcos dapat magtulungan ang national government at lokal na pamahalaan para bantayan ang konstraksyon ng mga resort at iba pang mga negosyo para masigurong hindi nito sisirain ang kagandahan ng kalikasan at mapigilan ang polusyon.

“Marami tayong resort na pinapatayo na walang tamang plano kung kaya nasisira nila ang mga natural habitat ng ating yamang dagat at pati na rin ang pag-unti ng ating mga isda. Dapat dito ay istriktong pagre-regulate dahil dapat ay pangalagaan natin at proteksyunan ang ating kapaligiran sa pagdevelop natin ng ating mga tourist spots,” ani Marcos.

Nitong nakaraang Biyernes nasa Puerto Princesa City ng probinsya ng Palawan si Marcos bilang guest of honor at speaker sa 144th founding anniversary ng lungsod at ng “Balayong Festival”.

Kung saan matatagpuan ang pamosong Underground River at mala-kristal na tubig, ang Palawan ay kinilala ng US travel magazine na Conde Nast Traveler bilang “world’s best island” sa dalawang magkasunod na taon nitong 2015.

Importante din umano, na isali ang mga residente sa mga tourism sites sa kampanya para protektahan ang mga ito, ayon kay Marcos.

“Kapag maliwanag na ito’y nagbibigay ng hanap-buhay, hindi mo na kailangan sabihin na kailangan bantayan iyan, kailangan alagaan ng mabuti iyan dahil ang tao mismo kung saan kumukuha ng hanap-buhay diyan, ay sila mismo magbabantay na walang maninira diyan sa mga areas na iyan,” ani Marcos.

Sa kanyang panunungkulan bilang gobernador ng Ilocos Norte sa tatlong termino, pinangunahan ni Marcos ang paglulunsad ng mga programa na nagbunsod upang makabilang na ngayon ang probinsya sa mga pangunahing tourist destination sa bansa.

Matagal nang isinusulong ni Marcos na palakasin ang industriya ng turismo sa bansa na aniya’y magpapaganda ng ating ekonomiya hindi lamang dahil sa mga dolyar na galing sa mga turista kundi pati na sa susulpot na mga negosyo at trabaho para sa mga pangangailangan ng mga bisita sa bansa.

Ayon kay Marcos, kabilang sa mga dapat gawin ng gobyerno ay ang pagsasaayos at pagdaragdag ng ating mga puerto at airport, mga daan tungo sa mga tourist sites, at pati na rin ang maayos na suplay ng murang kuryente.

Back to Blog