Sen. Marcos nanawagan ng mahigpit na seguridad sa paggunita sa ika-15 taon ng Rizal Day Bombing

Read the English version.

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa mga awtoridad na paigtingin ang seguridad sa mga mataong lugar tulad ng mall, at mga estasyon ng pampublikong transportasyon.

Ginawa ni Marcos ang panawagan sa paggunita sa ika-15 taon ng Rizal Day bombing na nagresulta sa pagkamatay ng 22 katao at pagkasugat ng mahigit isandaang iba pa na kagagawan ng mga Muslim extremist na may kaugnayan sa terrorist group na Jemaah Islamiyah.

Napuna ni Marcos na kamakailan lamang naglusad ng magkahiwalay na pag-atake laban sa mga militar sa Mindanao ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Sayyaf.

“Kahit na tila ang mga militar lamang ang target ng mga pag-atakeng ito hindi tayo dapat maging kumpyansa. Hindi natin dapat hayaan na maulit ang katulad ng nangyari 15 taon na ang nakararaan,” babala ni Marcos.

Noong December 30, 2000 limang magkakahiwalay na pagsabog ang gumimbal sa Metro Manila: sa Plaza Ferguson sa Malate, Manila; sa isang gas station sa Makati, sa cargo handling station sa Ninoy Aquino International Airport, at sa isang bagon ng LRT sa Blumentritt station kung saan pinakamarami ang nasawi at nasugatan.

Nababahala si Marcos sa pahayag ng BIFF na inspirasyon ng kanilang pag-atake ang ginagawa ng ISIS na nasa likod ng madugong terror attack sa Paris nitong Nobyembre kung saan 129 katao ang namatay at mahigit 350 ang sugatan.

Maliban dito may mga ulat pa ng Malaysian at Indonesian terrorist na nakipag-ugnayan sa Abu Sayyaf at isa ngang Malaysian na umano’y bomb expert ang napatay sa engkwentro ng militar at Abu Sayyaf sa Basilan nito lamang December 15.

“Hindi natin dapat bigyan ng anumang lugar kung saan pwedeng lumago ang extremism,” ani Marcos, Chairman ng Senate Committee on Local Government at sponsor ng Basic Law for Bangsamoro Autonomous Region (BLBAR) na magbibigay buhay sa kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front.

Bagamat maliit ang tsansa na maipasa ang BLBAR sa natitirang mga araw ng sesyon ng Kongreso sinabi ni Marcos na hindi dapat itigil ang pagpupursige na makamit ang kapayapaan sa Muslim Mindanao.

Back to Blog