Sen. Marcos nanawagan ng mabilis na ayuda sa mga magsasaka, mangingisdang biktima ni “Lando”

Read the English version here.

Nanawagan ngayon si Sen. Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa gobyerno na madaliin ang pagbibigay ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Lando, lalong lalo na sa mga magsasaka at mangingisda.

“Maraming pananim at palaisdaan ang nasira dahil sa baha at malakas na hangin. Kailangan ng agarang tulong ng gobyerno para makapagsimula muli,” ani Marcos.

Bagamat maraming nasalanta ang bagyo, importante umanong makabangon agad ang sektor ng agrikultura upang masigurong hindi magkukulang ang suplay ng pagkain sa bansa at maiwasan ang sobrang pagtaas ng presyo nito, ayon sa senador.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) umaabot sa halos P6 bilyon ang pinsalang idinulot ni bagyong Lando sa sektor ng agrikultura.

“Bilyon-bilyon pa ang natitirang calamity fund ng gobyerno kaya lang ang tagal ng proseso bago ma-release. Pero mayroong nakalaang P500 milyon na Quick Response Fund ang Department of Agriculture na pwede agad magamit para matulungan ang ating mga kawawang magsasaka,” giit ng senador.

Nakasaad sa 2015 budget ng DA na ang QRF ay dapat gamitin para sa pagbibigay ng binhi at iba pang pananim, mga fingerlings, alagaing hayop, gamit sa pangingisda at iba pang tulad nito para mabilis na makabangon ang kabuhayan ng mga tao sa lugar na tinamaan ng kalamidad.

Sa paliwanag ng Department of Budget and Management, hindi tulad ng Calamity fund ang QRF ay hindi na kailangan ng rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction Management Council o ng approval ng Office of the President para magamit ito.

Ayon pa sa DBM, pag naubos na ang QRF, pwedeng hingin ng kaukulang departamento na palitan ito sa pamamagitan ng isang request sa DBM na kailangang aprubahan naman ng Office of the President.

Back to Blog