Sen. Marcos nanawagan ng imbestigasyon sa pagtatapon ng daan-daang sako ng bigas sa Leyte

Read the English version.

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ng malalimang imbestigasyon sa napaulat na pagtatapon ng daan-daang sako ng bigas sa isang malalim na hukay na natagpuan sa isang malayong barangay sa bayan ng Dagami sa Leyte.

Ayon sa mga ulat may markang NFA (National Food Authority) ang mga sako ng bigas na natagpuan sa hukay pero meron ding mga plastic bag na may markang DSWD (Department of Social Welfare and Development) na nakuha sa parehong hukay.

“Kailangang maimbestigahan itong mabuti. Bagamat wala pang masyadong detalye hindi malayong kabilang ang mga bigas na ito sa mga relief goods para sa mga biktima ng super-typhoon Yolanda,” ani Marcos.

“Hihintayin ko muna ang ulat ng mga kaukulang ahensya at mga lokal na awtoridad. Pero kung hindi mabibigyan ng linaw ang insidente ay mapipilitan akong magsagawa ng mas malalimang imbestigasyon dito,” dagdag pa ng Senador.

Kahina-hinala umano ang pagtatapon ng sako-sakong mga bigas dahil ayon sa NFA maaari pa ring gamiting pakain sa hayop ang mga bigas na hindi na pwedeng kainin ng tao.

“Ang pagsasayang pa lang ng bigas ay masama na. Pero kung lalabas na relief goods ang mga ito ay higit itong nakakasuklam. Dapat may managot dito,” giit ni Marcos.

Nauna rito binatikos ng Senador ang kabagalan ng gobyerno sa rehabilitation ng mga lugar na tinamaan ng bagyong Yolanda noong ika-8 ng Nobyembre taong 2013, sa kabila ng bilyon-bilyong pondong inilaan para dito at ng mga international donation.

“Ang masaklap pa ayaw ipaliwanag ng gobyerno kung saan na nagastos ang naturang mga pondo.”

“Ayaw nilang magpaliwanag kahit na libu-libo pa sa ating mga kababayan ang patuloy na nakatira sa mga pinagtagpi-tagping barong-barong, kahit na marami sa kanila ang walang trabaho at maayos na pagkukunan ng kanilang kabuhayan,” ani Marcos.

Back to Blog