Sen. Marcos nanawagan ng dagdag na kakayahan para sa mga LGUs bilang first responders sa panahon ng kalamidad

Read the English version here.

unnamed

Senator Bongbong Marcos flew to Tacloban to assist in giving aid to the victims of typhoon Yolanda and to assess the damage to infrastructures as Chair of the Senate Committee on Public Works.

Matapos ang pananalasa ni bagyong “Lando”, nagpanukala ngayon si Sen. Ferdinand “Bongbong” R. Marcos na bigyan ng dagdag na pondo ang mga local government unit (LGU) upang mapabuti ang kanilang kakayahan bilang first-responders sa panahon ng kalamidad.

Base sa karanasan, karamihan sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad ay hindi agad mapasok kaya’t kinakalilangang magtiis ang mga biktima ng ilang araw bago dumating ang tulong sa kanila, ani Marcos.

Ayon sa ulat ngayon lamang napasok ng mga rescuers ang bayan ng Casiguran sa probinsya ng Aurora matapos na tamaan ng mata ng bagyong Lando noong madaling araw ng Linggo. Karamihan umano sa mga bahay at istruktura sa bayan ay nasira ng bagyo.

“Bumubuti na naman ang panahon at inaasahan ko na mas mapapabilis na ng gobyerno ang pagpapadala ng tulong para sa mga nasa evacuation centers at pag-rescue sa mga na-trap ng baha,” anang senador.

“Mas mabilis dumating ang tulong, mas maganda. Pero kung mas maayos ang kakayahan ng ating mga LGU para sa disaster response mas mabilis darating ang tulong sa mga biktima ni Lando at hindi na kailangang maghintay hanggang dumating ang tulong ng national government,” dagdag pa niya.

Matagal nang isinusulong ni Marcos na dagdagan ang parte ng mga LGU sa IRA (Internal Revenue Allotment) mula sa 40-60 na pabor sa national government sa parehas na 50-50 hatian. Ayon kay Marcos ang dagdag na pondo ay magagamit ng LGU para sa mas maayos na disaster response.

unnamed-1

“Ano mang dagdag na pondo para sa mga LGU ay malaki ang magagawa para matulungan silang mapabuti ang kanilang kapabilidad sa disaster response at mapabilis ang pagpapadala ng tulong sa mga taong apektado ng kalamidad sa kanilang lugar,” ani Marcos.

Ang mga LGU ang inaasahang first-responder o unang magbibigay ng tulong sa panahon ng kalamidad. Subalit sinabi ni Marcos na kahit may mga LGU na nag-level up ng kanilang preparasyon marami pa rin ang naiwan dahil na rin sa kakulangan ng pondo.

Bilang ehemplo, nabanggit ni Marcos na sa isang radio interview pinuri ni Interior Secretary Mel Senen Sarmiento ang gobyerno ng probinsya ng Isabela na sana ay gayahin ng ibang lugar dahil sa kanilang disaster preparedness na syang dahilan upang mabawasan ang pinsalang dulot ni Lando.

Ayon kay Sarmiento, maliban sa pagpupundar ng mga kagamitan at pagsasanay ng tauhan para sa disaster response may mga polisiya din ang probinsya para dito tulad ng pagbabawal sa pagbebenta ng alak sa panahon ng bagyo at pagbibigay ng relief goods sa mga lugar na inaasahang tumama ang bagyo bago pa ito dumating.

Ayon sa senador ang paghihirap ngayon ng mga tao sa Casiguran ay di nalalayo sa karanasan ng mga biktima ng super-typhoon Yolanda sa Tacloban, Leyte at mga kanugnog na lugar.

“Ilang araw pa ang lumipas bago dumating ang tulong mula sa national government. Kinailangan pa naming magdala ng bulldozers at ibang equipment para maalis ang mga nakaharang sa daan at magdala ng tulong. Marami sa mga tao ang nagsabi na kami pa lang ang unang nakapagdala ng tulong sa kanila,” ayon kay Marcos.

Kung may dagdag na pondo ang mga LGU, pwede ring tumulong sa tinamaan ng kalamidad ang mga LGU na hindi naman napinsala at mas mabilis ito kaysa aasa na lamang ng tulong na darating mula sa national government, giit pa ng senador.

Back to Blog