Sen. Marcos nais tutukan ang pagpapalago ng trabaho sa bansa

Read the English version here.

Pagkakaroon ng mas maraming trabaho, ito ang isa sa gustong tutukan ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kung papalaring manalo bilang Bise Presidente sa darating na halalan.

Sa panayam sa “Unang Hirit”, sinabi ng senador na kung tatanungin siya ng bagong Presidente kung anong portfolio ang nais nyang hawakan, ang DOLE (Department of Labor and Employment) umano ang pipiliin niya.

“Siguro kung mayroon akong hihingin na portfolio, palagay ko gusto kong makatulong sa DOLE,” ani Marcos.

Kakulangan ng trabaho ngayon ang pinakamalaking problema kaya’t ito ang dahilan kung kaya ang DOLE ang pipiliin niya.

Ayon sa senador 90 porsyento ng mga trabaho ay galing sa pribadong sektor kaya’t ang dapat na trabaho ng gobyerno ay tulungang lumago ang naturang sektor, partikular ang mga SME (small and medium scale enterprises) na siyang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa.

Kabilang sa mga hakbang na dapat gawin ng gobyerno ang pagtatayo ng mga business-driven infrastructures, pangunguna sa research and development, pagbibigay ng training at maging ng pautang, paliwanag ni Marcos.

“Maraming maaaring gawin para tulungan ang sitwasyon sa kakulangan ng trabaho dito sa atin ngayon kaya’t kung itatanong sa akin, DOLE siguro, iyon ang uunahin ko,” sabi ng senador.

Kung hindi DOLE, pwede rin naman sa kanya ang DOTC, ayon kay Marcos. Kumpiyansa ang senador na kaya din niyang tumulong na solusyunan ang mga problemang pasan ng departamento, kabilang na ang matinding trapik at kakulangan ng pampublikong transportasyon.

Back to Blog