Sen. Marcos nagpasalamat sa mga estudyante ng PUP matapos manguna sa online poll bilang VP

Read the English version here.

Nagpasalamat ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines matapos na siya ang manguna sa online poll nila sa mga kandidato bilang Bise Presidente sa 2016.

Ang pinal na resulta ng online poll ay inilabas ngayon sa PUP Official Fan Profile page sa Facebook.

“Kilala ang mga estudyante ng PUP sa kanilang masidhing interes at partisipasyon sa mga pangunahing isyu sa lipunan at pulitika sa bansa. Kaya naman lalong lumakas ang loob ko sa aking layuning maglingkod matapos lumabas na ako ang kanilang napipisil na Vice President,” ani Marcos.

“Buong kababaang loob akong nagpapasalamat sa kanilang pagtitiwala sa akin,” dagdag pa niya.

Naniniwala ang senador na ang PUP poll ay indikasyon na kinikilala ng mga kabataan ang kanyang mga ginagawa upang mabigyan sila ng karagdagang kakayahang tugunan ang kanilang mga sariling isyu at makilahok sa isyung pambansa, kabilang na ang kanyang SK (Sangguniang Kabataan) Reform Bill na kamakailan lamang ay naaprubahan na sa bicameral conference committee.

Ayon sa naturang PUP online poll nanguna si Marcos sa mga kandidato sa 2016 bilang bise presidente at nakakuha ng 37.36 % o 50,675 ng kaubuuang botong 135,622.

Nasa pangalawang pwesto naman si Cong. Leni Robredo na nakakuha ng 21.20% o 28,746 boto, samantalang pangatlo naman si Sen. Antonio Trillanes IV na may 13.58% o 18,424 na boto.

Si Sen. Alan Peter Cayetano naman ang pang-apat na may 12.96 % o 17,578 boto, kasunod si Sen. Francis “Chiz” Escudero na may 10.30% or 13,976 boto at pang limang puwesto naman si Sen. Gregorio “Gringo” Honasan na nakuha ng 2.04% o 2,765 boto.

Samantala dumistansya sa naturang online poll si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa mga karibal bilang presidente matapos makakuha ng 64.07% ng mga boto, o 86,897, samantalang si Sen. Grace Poe ang pumangalawa na may 14.35% o 19,456 boto.

Nasa ikatlong pwesto si Sen. Mar Roxas na may 11.64% o 15,784 boto at pang-apat si Bise Presidente Jejomar Binay na nakakuha ng 7.26% o 9,846 boto.

Back to Blog