Sen. Marcos nagalak sa TRO ng SC laban sa “No-Bio, No-Boto” ng Comelec

Read the English version here.

Ikinagalak ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang paglalabas ng Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa “no-bio, no-boto” ng Commission on Elections.

Pinigil ng TRO ang pagtanggal sa listahan ng mga kwalipikadong botanteng nag-rehistro ngunit walang biometric information na tinatayang aabot sa mahigit tatlong milyong katao.

“Maganda itong nangyari. Sa marami sa ating mga kababayan, ang pagboto ang tanging pagkakataon na may boses sila para sabihin kung ano ang gusto nilang mangyari sa ating gobyerno. Kaya naman hindi maliit na bagay kung aalisan mo ng ganitong karapatan ang napakaraming tao,” ani Marcos.

Depende pa rin sa desisyon ng korte kung talagang makaboboto sa May 2016 ang mga botanteng rehistrado nga ngunit wala namang biometric data.

“Pero kahit papaano nagkaroon ng pag-asa ang milyun-milyong mga botante na walang biometric na baka maka-boto pa rin sila sa darating na eleksyon,” anang Senador.

Naglabas ng TRO ang Korte Suprema kaugnay sa petisyon laban sa umano’y unconstitutional na “no-bio, no boto” na polisiya ng Comelec.

“Sa paniwala ko, ang karapatan sa pagboto ay pangunahing sangkap ng demokrasya kaya’t ano mang duda ay dapat magbigay ng higit na pagpapahalaga sa karapatan ng isang kwalipikado at rehistradong botante na makaboto,” giit ni Marcos.

Back to Blog