Sen. Marcos nagalak sa pagpasa ng bill para sa mas mataas na tax exemption ng OFW balikbayan box

Read the English version.

Nagalak si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para sa mga Overseas Filipino Workers matapos maipasa ng Senado ang panukalang batas na magbibigay ng mas mataas na tax exemption sa balikbayan box na padala nila sa kanilang pamilya.

Umaasa din si Marcos na magpupulong na sa madaling panahon ang bicameral conference committee upang madaliin ang proseso para agad nang malagdaan ang batas.

Nitong Lunes ipinasa ng Senado sa third and final reading ang Senate Bill No. 2968 para sa modernisasyon ng Bureau of Customs at kabilang sa panukala ang pagtataas ng tax exemption ng balikbayan boxes mula sa P10,000 tungo sa P150,000.

“Sa wakas binigyan natin ang ating mga OFW ng kongkretong bagay na magpapatunay ng ating pagkilala sa kanila bilang mga bagong bayani dahil sa kanilang sakripisyo at kontribusyon sa ating ekonomiya at hindi yung puro salita lamang,” ani Marcos.

Matatandaang pumalag si Marcos nang simulan ng Bureau of Customs noong nakaraang taon ang pagbubukas or “random inspection” ng mga balikbayan boxes na pinaghihinalaang ginagamit para sa smuggling.

Matapos ang imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na polisiya ng BOC inihain ni Marcos ang Senate Bill 3033 “of Duty Free/Pasalubong Act of 2015” na naglalayong i-exempt ang reasonable importation ng mga OFWs bilang pasalubong o padala para sa kanilang mga pamilya.

Bagama’t hindi na naisali ang kanyang panukala sa inaprubahang bill ng Senado sinabi ni Marcos na masaya na rin siya dahil naisama naman ang mga katulad na benepisyong nais niyang maibigay sa mga OFW.

Dahil aprubado na rin sa Mababang Kapulungan ang katulad ng panukala walang nakikitang dahilan si Marcos para hadlangan pa na maging ganap na batas na ito.

“Kung matatrabaho agad ng bicameral conference committee at maplantsa kung anuman ang pagkakaiba ng Senate at House version hindi na magtatagal at mararamdaman na ng ating mga OFW ang mga benepisyong para sa kanila. Sana lamang ay hindi ito i-veto ng Presidente tulad ng ginawa niya sa panukalang dagdag sa SSS (Social Security System) pension,” ani Marcos.

Back to Blog