Sen. Marcos makikiisa sa mga Taclobanon sa paggunita sa ika-dalawang taong anibersaryo ng Yolanda

Read the English version here.

Makikiisa si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa mga mamayan ng Tacloban sa isang ‘commemorative walk’ madaling-araw ngayong Linggo kaugnay ng paggunita sa ika-dalawang taong anibersaryo ng bagyong Yolanda na nanalasa noong November 8, 2013.

Ayon sa opisyal na datos ng gobyerno umaabot sa 6,033 katao ang namatay sa bagyong Yolanda subalit marami ang naniniwala na higit pa dito ang bilang ng mga nasawi. Marami sa mga namatay ang inilibing sa mga mass graves.

“Kasama ang aking pamilya6 nakikiisa ako sa mga taga-Tacloban at iba pang lugar na sinalanta ng Yolanda hindi lamang para manatiling buhay ang ala-ala ng kanilang nawalang mahal sa buhay kundi sa panalangin at paggawa ng aking tungkulin upang matulungan silang buuing muli ang nawasak nilang buhay,” ani Marcos.

Matatandaang personal na naglunsad ng kanyang relief operation si Marcos sa Tacloban at kalapit na lugar isang linggo matapos manalasa ang bagyong Yolanda sa kabila ng mga reklamo na mabagal ang pagdating ng tulong galing sa gobyerno.

Magsisimula ang commemorative walk sa pagtitipon ng mga lalahok sa tatlong lugar sa lungsod: sa Magsaysay Boulevard, sa Sagkahan National High School, at malapit sa Coca-Cola compound sa may rotonda.

Matatapos ang commemorative walk sa Tacloban Astrodome kung saan isang misa ang isasagawa.

Tampok sa mga programa sa umagang iyon ang pagbubukas ng Yolanda Memorial sa Astrodome na naging kanlungan ng maraming Taclobanon nang hagupitin ng bagyo ang lungsod.

Back to Blog