Sen. Marcos kinondena ang bagong insidente ng “tanim bala” sa OFW

Read the English version here.

Kinondena ngayon ni Sen. Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang panibagong insidente ng umano’y “tanim bala” noong Oct. 25 sa Ninoy Aquino International Airport na bumiktima sa isang OFW (Oversea Filipino Worker) na palipad na sana noon papuntang Hong Kong.

Inaresto ng mga awtoridad si Gloria Ortinez, 56, matapos umano’y makita sa kanyang bag ang isang bala ng carbine sa Terminal 2 ng NAIA kung saan siya tumuloy para sa kanyang connecting flight puntang Hong Kong matapos dumating mula sa Laoag International Airport.

Mariing itinangi ni Ortinez na kanya ang bala. Ayon pa sa kanya halos 20 taon na syang pabalik-balik sa Hong Kong kung saan siya nagtatrabaho bilang domestic helper kaya’t alam na alam niyang mahigpit na ipinagbabawal doon ang pagdadala ng bala.

“Kamakailan lamang ay nabalitaan natin ang mga insidenteng ganito at akala nating lahat dahil sa atensyon ng media at mga imbestigasyon ay hindi na mauulit. Kaya naman talagang nakakabahala na ang insidenteng ito,” ayon kay Marcos.

Dahil sa naunang panawagan ni Ortinez ng tulong nagpadala ang senador ng miyembro ng kanyang legal staff para alamin ang kalagayan ng OFW at mabigyan ng karampatang ayuda.

Nilinaw naman ng senador na dapat lamang maging mahigpit ang pagpapatupad ng seguridad sa ating mga airport.

Subalit iginiit ni Marcos na dapat ding maging maingat ang mga awtoridad at wag madaliin ang pagsasampa ng mga reklamong kriminal sa mga suspect sa katulad na insidente lalo na kung may mga indikasyon din na maaaring biktima lamang ng “tanim bala” ang suspek.

“Dahil sa alegasyon kay Mrs. Ortinez hindi na sya nakaalis at hindi malayo ang posibilidad na palitan na siya ng kanyang amo. Ang pinakamalala, dahil sa demanda, may dagdag pang pahirap ng pagdedepensa sa korte a posibleng pagkakakulong. Ibig sabihin, kahit na lumabas sa huli na wala syang kasalanan ay talo rin sya,” ani Marcos.

“Bayani ang tawag natin sa ating mga OFW, pero ito ba ang sukli natin sa kanila?” dagdag pa ng senador.

Sinabi ng senador na hihintayin niya ang ulat ng kanyang staff para malaman kung kakailanganing magpatawag ng imbestigasyon ng Senado sa naturang insidente.

Back to Blog