Sen. Marcos: Kalimutan na ang P12B utang ng magsasaka sa NIA

Nanawagan si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ngayon na dapat kalimutan na ng gobyerno ang P12 bilyon na utang ng magsasaka sa National Irrigation Administration at sinabing ang irigasyon ay dapat na libreng ibinibigay sa magsasaka.

Sinabi ni Marcos na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat paalalahan na sila ay nagsisilbi para sa serbisyong bayan at hindi upang kumita. “Ang gobyerno ay hindi korporasyon na pinagkakakitaan ang kanilang ginagawa. Ang kanilang dapat ginagawa ay magbigay ng serbisyo sa mamamayan,” he said.

Tinuran niya na ang utang sa irigasyon ng mga magsasaka ay isang magandang halimbawa na hindi serbisyo publiko ang inaatupag ng mga kawani ng gobyerno kundi ang isipin kung paano kumita.

Nakakalungkot ani Marcos na ang mga magsasaka na hindi na nga masyadong nabibigyan ng suporta ng gobyerno ay nasasadlak pa sa isang malaking utang sa NIA.

Sinabi nito na hindi naman dapat sinisingil ng NIA ang mga magsasaka dahil ahensiya ito ng pamahalaan na may tungkuling magbigay ng serbisyong patubig kasabay ng panawagan sa NIA na huwag nang singilin ang nasabing utang ng mga mga magsasaka at irrigators.

“Kalimutan na nila ‘yung P12 billion na ‘yan dahil hindi kayang bayaran ng magsasaka ‘yan. Ang dapat isipin nila ay tulungan ang mga magsasaka imbes na pagkakitaan,” ayon dito.

Sinabi ni Marcos na ang mga magsasaka sa ibang bansa ay nabibigyan ng lahat ng suporta at subsidiya ng kanilang gobyerno upang taasan ang kanilang ani at mabuhay sila ng disente. “Dito sa atin ay baliktad dahil mukhang napapabayaan ang ating mga magsasaka. Pagkatapos ay sinisingil pa sila ng patubig na isang serbisyo ng na dapat namang binibigay ng gobyerno,” aniya.

Nakakalungkot umano na pinagbabayad pa ang mga magbubukid sa irrigation service sa kabila ng katotohananng 70 porsiyento ng mga mahihirap sa bansa ay mga magsasaka.

“Serbisyo ‘yan eh. Iyan ang trabaho ng gobyerno, hindi para kumita. Ang trabaho ng gobyerno ay para magbigay ng serbisyo,” anito.

Back to Blog