Sen. Marcos isinulong ang organic farming ng mga high-value crops

Read the English version.

Iminungkahi ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos na paigtingin ng gobyerno ang mga programa para sa organic farming partikular sa mga high-value crops.

Ginawa ni Marcos ang panawagan bilang bahagi ng kanyang mga panukalang safety nets upang protektahan ang ating mga magsasaka sa epekto ng pagdagsa ng mga murang produkto galing sa ibang bansa matapos pormal na nag-umpisa ang pag-iral ng Asean Economic Community bago matapos ang 2015.

Sinabi ng Senador na hindi lang dapat bigyan ng proteksyon ng gobyerno ang mga magsasakang nais magpatuloy sa pagtatanim ng mga tradisyonal na produkto kundi dagdagan pa ang kampanya para sa pagtatanim ng mga organic at high-value crops.

“Yung paglipat sa organic at high value crops pwedeng maging bentahe ng ating mga magsasaka sa mga kapitbahay natin sa ASEAN dahil patuloy ang pagtaas ng demand para sa mga organic na pagkain sa buong mundo,” ani Marcos.

Ayon sa ulat ng kumpanyang Organic Monitor, umabot na noong 2013 sa halagang $72 billion ang buong merkado sa mundo para sa mga organic na produkto, kung saan pangunahing bentahan ay sa United States, kasunod ang Germany at France.

Dating nag-eexport ng mga organic na pagkain ang US subalit dahil sa pagtaas ng demand kinailangan na nitong mag-import ng mga ganitong produkto na ngayon ay umaabot na sa halagang $1 bilyon taon-taon.

Ayon kay Marcos mayroon nang mga insentibo at murang pautang para sa mga magtatanim ng high-value crops sa ilalim ng High-Value Crops Development Act of 1995, bukod pa sa mga pondo para dito galing sa ibang bansa.

“Maaari nating isulong ang organic farming para mas mabenta ng mataas at maging competitive ang ating mga produkto sa world market. Ang maganda nito, ang organic farming ay mabuti para sa ating environment,” ani Marcos.

Para magawa ito, sinabi ni Marcos na dapat mabigyan ng tulong pinansyal ang mga lilipat sa organic farming, lalo na sa mga unang bahagi ng proseso kung kailan inaashang baka may pagbagsak ang dami ng ani nila. Maliban dito, dapat umanong maging katulong ang mga kooperatiba at organisasyon ng mga magsasaka para maikalat ang kaalaman ukol sa management ng organic farms.

Bukod sa mga pangunahing imprastruktura sa mga kalye, irrigation, at kuryente sinabi ni Marcos na kailangan ding magtayo ng mga modernong post-harvest facilities para masigurado ang magandang kalidad ng ating mga produkto hangang madala ang mga ito sa mga pamilihan.

Back to Blog