Sen. Marcos, ipagpapatuloy ng urban land reform, maayos na pabahay sa maralitang taga-lungsod

Nangako ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, kandidato sa pagka bise-presidente, na palalakasin niya ang programa ng urban land reform para makamit ang tunay na pakay nito na mapabuti ang kalagayan ng mga urban poor.

Sa isang press briefing matapos lumibot sa ilang barangay ng Caloocan City, sinabi ni Marcos na tila naiintindihan ng gobyerno kung ano ang tunay na layunin ng urban land reform.

Kabilang sa mga lugar na binisita ni Marcos ang Barangay 176 sa Bagong Silang na isang government resettlement site. Ito ang itinuturing na pinakamalaking barangay sa bansa sa dami ng populasyon at sa lawak ng sakop.

“Susubukan natin (na ipagpatuloy) dahil mukha namang hindi naiintindihan ng ating mga lider ngayo ang urban land reform,” ani Marcos.

Ayon kay Marcos ang mga relocation sites sa ngayon ay hindi katulad ng ginawa noon sa Bagong Silang.

“Kung maaalala ninyo ang ahensya ng pamahalaan na bumuo ng urban land reform ay ang ministry of human settlements. Ito ay dahil dahil bumubuo sila talaga ng local communities,” ani Marcos.

Sa ngayon karaniwan na ang nangyayari na nililipat lamang ang mga urban poor sa lugar may itinayong bahay pero walang mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig, kuryente, hanapbuhay at mahalagang pasilidad tulad ng palengke, simbahan, at eskwelahan.

“Sana maibalik natin ang konsepto na ang relocation hindi bahay lamang kundi lahat ng kailangan ng ire-relocate,” giit ng senador.

Ayon kay Marcos ang idea ng urban land reform ay isang magandang ideya na angkop pa rin sa kasalukuyan panahon.

“At iyan ang aking ipagpapatuloy at gagawin,” ani Marcos.

Back to Blog