Sen. Marcos iminungkahi ang windmill sa Mindanao para sa problema sa kuryente

Read the English version.

Iminungkahi ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. nitong Sabado ang pagpapatayo ng mga windmill sa Mindanao bilang pagkukunan ng kuryente upang masolusyonan ang matagal nang problema ng enerhiya sa rehiyon.

“Ang technical requirement para sa isang wind farm na gumagamit ng wind mills ay depende sa terrain, sa hangin at sa panahon. Sa palagay ko mayroon tayo dito sa Mindanao na pwede tayong paglagyan (ng windmills) at ang tanong na lamang ay saan ito matatagpuan,” sinabi ito ni Marcos sa mga miyembro ng midya na dumalo sa kanyang “Davao Regional Consultation” meeting sa Apo View Hotel sa Davao City.

Bukod sa wind mills, iminungkahi din ni Marcos ang pagtatayo at pagpapalawig ng ibang alternatibong “green energy sources” katulad ng solar energy source o ang enerhiya mula sa araw.

“Kailangan nating tingnan…all kinds of alternative energy (sources), una na diyan yung wind tapos iyung solar kasi bumababa ang cost kaya’t nagiging viable na ang ganyang mga klaseng alternative energy source,” aniya.

Ngunit nagpaalala si Marcos na ang kapayapaan sa Mindanao ang pinaka-unang kailangan na matugunan dahil walang korporasyon ang mamumuhunan dito kung mataas pa rin ang peligro ng pagnenegosyo.

“Balik na naman tayo sa peace process kasi walang papasok na malalaking korporasyon kung may high risk, not only in terms of financial risk, but also of security risk,” pagtatapos ni Marcos.

Back to Blog