Sen. Marcos hiniling na isiwalat ng gobyerno ang estado ng programa para sa biktima ng Yolanda

Read the English version here.

Hiniling ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa gobyerno na isiwalat ang estado ng relief at rehabilitation programs para sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.

Kamakailan sinabi ng senador na dalawang taon na matapos manalasa ang bagyong Yolanda halos sampung porsyento pa lamang ang nagagawa sa mga permanenteng pabahay para sa mga biktima ng Yolanda na ipinangako ng gobyerno sa kabila ng ulat na maraming pondo ang nakatengga lamang.

Ayon sa senador kung hindi mag-uulat ang gobyerno kung ano na ang mga nagawa nila tungkol sa mga biktima ng bagyong Yolanda ay baka kailanganin na ang isang imbestigasyon ng Senado ukol dito.

“Ano-ano ang natanggap nating tulong? Ano na ang ginawa natin. Hanggang saan na ang narating natin sa master plan para sa rehabilitation? Ano pa ang dapat nating gawin para mapabilis ito?” anang senador.

Maliban sa isyu ng permanenteng pabahay dapat din umanong ipaliwanag ng gobyerno ang ginagawa nila para matulungang makatayo muli sa kanilang sariling paa ang mga biktima ng bagyong Yolanda.

“Iyong sa livelihood, ano na ang ginawa natin? Gaano ito tatagal. Magkano ang kailangan natin? Saan kukunin ang pondo? Lahat ito kailangan nating malaman dahil sa tingin ko ay talagang mabagal ang pag-usad ng proseso,” giit ni Marcos.

Kung hindi lilinawin ng gobyerno ang mga isyung ito lalo lamang umanong mahahadlangan ang mga dapat gawin upang mapabilis ang pagbibigay tulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda, ayon kay Marcos.

Back to Blog