Sen. Marcos hiniling na imbestigahan at kasuhan ang bilibid guards na kasabwat ng mga preso

Read the English version.

Hiniling ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na imbestigahan ang mga gwardya ng New Bilibid Prison at kasuhan ang mapapatunayang nakipagsabwatan sa mga preso.

Ginawa ni Marcos ang ganitong pahayag matapos ang pinakahuling raid sa NBP kung saan nakumpiska ang mga appliances, cellphone, electronic gadgets, droga at iba pang mga kontrabando. Kabilang sa mga nakumpiska sa mga naunang raid ay matataas na kalibre ng baril at iba pang sandata.

Nauna rito nanawagan si Marcos na dapat paigtingin ng susunod na administrasyon ang kampanya laban sa patuloy na pagdami ng mga krimen at ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa sa loob ng nakalipas na ilang taon.

“Papaano matatakot makulong ang mga drug lord at kriminal o kaya ay magbago kung maagaan pa rin ang buhay nila kahit sa loob ng preso at posibleng patuloy pa rin ang mga iligal na gawain sa pamamagitan ng mga naipuslit na gadget?” ani Marcos.

Hindi na umano maikakailang may nagaganap na sabtawan dahil ayon sa ulat ay natagpuan ang marami sa mga kontrabando mula mismo sa ilang gwardya ng NBP.

“Dapat silang maimbestigahan at sampahan agad ng kaso kung may ebidensya na kasabwat sila ng mga bilanggo,” ani Marcos.

Sa kabila nito pinuri naman ng senador ang Bureau of Corrections sa pagpupursige nitong isagawa ang mga “Oplan Galugad” sa compound ng NBP.

“Hindi dapat tumigil ang BuCor hanggang hindi nakukumpiska ang mga kontrabando sa NBP at maisaayos ang sistema para mabawasan, o mapatigil ng tuluyan, ang sabwatan sa mga gwardya at mga bilanggo,” giit ni Marcos.

Back to Blog