Sen. Marcos hinamon ang APF, PNP na pulbusin ang mga pumugot sa ulo ng Malaysian hostage

Read the English version here.

Hinamon ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang militar at pulis na gawin ang lahat para pulbusin ang mga Abu Sayyaf na umano’y pumugot sa ulo ng hostage nilang Malaysian, tulad ng malagim na pagpatay na ginagawa ng mga militante ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria).

Ayon sa ulat pinatay ng ASG ang hostage nilang si Bernard Then Te Fen sa Indanan, Sulu matapos mabigong magbayad ng ransom para sa kanyang kalayaan ang pamilya nito. Nito lamang buwang ito isa pang hostage na Malaysian, si Thien Nyuk Fun, ang pinalaya matapos umanong magbigay ng ransom.

Kinidnap ng mga Abu Sayyaf ang dalawang Malaysian sa Sabah nitong Mayo at isinakay ng bangka patungong Sulu.

“Sampal ito sa mukha ng ating mga awtoridad dahil itinaon na nandito si Malaysian Prime Minister Najib Razak para makilahok sa APEC (Asia Pacific Economice Cooperation) summit na idinadaos dito sa atin ngayong taon,” ani Marcos.

“Hindi sapat ang mga salita ng pagkondena sa nangyari. Maaalis lamang ang black eye na ito sa atin kung magtatagumpay ang ating mga pulis at militar na bigyan ng katarungan ang pagpatay kay Then sa lalong madaling panahon,” ani Marcos.

Hiniling mismo ni Prime Minister Najib sa mga awtoridad ng Pilipinas na parusahan ang mga kidnappers kasabay ng matinding pagkondena sa pagpaslang sa kanyang kababayan, na aniya ay nagdulot ng shock sa kanya at sa kanyang mga kababayan.

Ang ASG na umano’y may kaugnayan sa Al-Qaida ay matagal nang nagsasagawa ng mga kidnaping, pagpugot sa ulo, extortion at pambobomba sa kabila ng pagkalagas ng marami sa kanila dulot ng opensiba ng militar at pulis.

Kamakailan lamang ay nanawagan si Marcos sa mga militar at pulis na hadlangan ang umano’y balak na pag-isahin ang mga grupo ng terrorista tulad ng ASG at Jemaah Islamiah upang magtatag ng isang opisyal na faction ng ISIS sa Southeast Asia.

Back to Blog