Sen. Marcos binira ang hinala ng Palasyo na pulitika ang dahilan sa pagbubukas ng Senado ng imbestigasyon ng Mamasapano Massacre

Read the English version.

Ikinalungkot ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang pahayag ng Malacanang na nagbibigay duda sa motibo sa likod ng muling pagbubukas ng Senado ng imbestigasyon sa Mamasapano massacre bago pa man ito magsimula.

Nauna rito sinabi ng Pangulo na tila pulitika ang nagtutulak sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa madugong insidente sa Mamasapano kung saan 44 na miyembro ng Special Action Force ang nasawi.

“Imbes na hintayin na lamang kung ano ang resulta ng imbestigasyon ay nagpahayag agad ang Malacanang ng pagdududa sa motibo nito,” ani Marcos.

Ayon pa kay Marcos ang Pangulo mismo ang nagsabing ang pagbubukas ng imbestigasyon ay maaaring magbigay linaw sa mga katanungang hindi pa nasasagot, partikular kung ano talaga ang nangyari noong January 25, 2015 sa Mamasapano.

“Kung walang itinatago ang Malacanang dapat nga ay ikatuwa pa nila ang muli naming pagbubukas ng imbestigasyon. Tiwala ako na karamihan sa ating mga kababayan na patuloy na naghahanap ng kasagutan ay matalino at hindi maniniwala sa anumang grandstanding na maaaring gawin para lamang mamulitika,” ani Marcos.

Sinuportahan ni Marcos ang kahilingan para buksang muli ang imbestigasyon sa Mamasapano massacre na ginawa ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na nagsabing mayroon siyang mga bagong impormasyon kaugnay sa madugong insidente sa Mamasapano.

Muling bubuksan ng Senado ang imbestigasyon sa Mamasapano massacre sa January 25, o sa unang anibersaryo ng insidente.

Kabilang sa nais malaman ni Marcos ay kung bakit wala pang naisasampang kaso sa korte laban sa mga responsible sa pagkasawi ng mga biktima isang taon matapos maganap ang insidente sa kabila ng pangako ng gobyerno na magkakaroon ng katarungan.

Ayon kay Marcos walang ibang hinihingi ang pamilya ng mga biktima kundi ang katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Back to Blog