Sen. Bongbong sinagip ang mga gipit na barangay; nagpanukala ng batas para sa automatic budget

20140505-SenMarcosrescuescashstrappedbarangays
Kumilos si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang palakasin ang kakayahan ng mga barangay sa pagpapatupad ng mga programang pangserbisyo publiko sa pamamagitan ng paniniguro ng kanilang taunang badyet.

Ito ay makaraang ihain ni Marcos ang Senate Bill No. 2190 na nagbibigay sa Kongreso ng tanging kapangyarihan na lumikha ng mga barangay sa pamamagtan ng pagpapasa ng batas dahil nakasaad sa Republic Act 7160, o ang Local Government Code of 1991, na ang mga barangay na itinatag lamang ng batas ang maaaring bigyan ng Internal Revenue Allotment (IRA).

Ang panukalang batas ay susog sa section 6 at 385 ng naturang code na nagbibigay hind lamang sa Kongreso kundi pati sa mga local government units (LGUs), sa pamamagitan ng pagpapasa ng ordinansa ng Sangguniang Panlalawigan o Sangguniang Panlungsod, ng kapangyarihang lumikha ng mga barangay unit, o maghati, magsanib at magbago ng mga boundary nito.

Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate local government committee, na ang mga barangay na itinayo ng mga LGUs ay walang IRA allotments na tulad ng automatic appropriation sa mga barangay na likha ng Kongreso dahil nakasaad sa nasabing code na ang kanilang badyet ay manggagaling sa LGUs na lumikha sa mga ito.

“The dismal reality, however, is that barangays created by the sanggunians are receiving measly amount of annual budgetary allocations from the local government units which created them. This resulted to poor delivery of basic services because of lack or insufficient funds,” ayon dito.

Sinabi ni Marcos na ang kanyang panukala ay remedyo sa problema sa badyet ng mga LGU-created barangays dahil kung ito ay maisasabatas, mabibigyan na sila ng IRA shares tulad ng sa Congress-created barangays.

Sa talaan ng National Statistical Coordinating Board, hanggang December 31, 2013, mayroong 42,026 barangays sa buong kapuluan. Sa bilang na ito, 200 ang likha ng LGUs at ang natitira ay likha ng batas.

Sa section 4 ng panukala ni Marcos, lahat na ng mga barangay, kabilang ang mga nauna nang nilikha ng mga provincial at city council, ay makatatanggap na ng IRA shares, na ibig sabihin ay mabibigyan din ang 200 na likha ng mga LGU.

Ayon kay Marcos, ang kakarampot na annual funds ng mga barangay na ibinibigay ng mga LGU ay ay hindi maikukumpara sa IRA allocations ng mga barangay na nilikha ng batas.

“To remedy this appalling situation, this legislative measure proposes that the creation of the smallest political units in this country be done solely through acts of Congress and not through ordinances to entitle each of them to automatic IRA share, as provided for under the Local Government Code,” anito.

Back to Blog