Radio interview with Kabayan Noli de Castro on DZMM

DZMMQ: Senator Bongbong magandang umaga po.

A: Magandang umaga kabayan, magandang umaga sa mga nakikinig, magandang umaga po.

Q: Hindi yata natuloy ho yung pagdedebatehan ninyong BBL sa Senado, sa floor?

A: Parang ang lumabas meron namang nagreserba pero sabi sa akin nung mga ibang senador ay marami pa silang pag-aaralan at hindi pa sila handang magtanong. Kaya susubukan natin baka mamaya ay meron nang mag-interpellate. Pero merong naka-schedule na isang senador sa Monday for sure. Pero kasi yung mga nag-reserve e wala namang nakalagay na petsa kung anong araw sila gustong mag-interpellate.

Q: Ilan ho ba yung nagpa-reserba sa inyo?

A: As of yesterday yata 14 na yata ang nakalista kaya’t inaabangan ko lang, basta pupuntahan ko lang at handa naman akong sumagot sa mga tanong. So titingnan na lang natin kung kailan handa yung ating mga kasama sa Senado.

Q: Meron ditong sinasabing pinuri ng mga lumalalakad ho sa Bangsamoro Basic Law tungkol doon sa parliamentary form of government na nanatili daw po sa BBL para dito sa autonomous region, tama ho ba yun?

A: Oo nga, at ito’y isang bagay na pinagtatalunan nung mga abogado, mga constitutionalist. At kasama sa findings yan sa committee ni Sen. Miriam na unconstitutional yung parliamentary form of government. Yun lamang, lahat sa nakausap kong mga abogado, sa lahat ng mga nakausap kong propesor, ay hati ang opinyon. Yung iba nagsasabi constitutional, yung iba sinasabi unconstitutional. Kayat iniwan ko na lang at sinabi ko ay iyan siguro kailangan din naming pag-usapan ng mabuti para talagang makapag-decide kung dapat na maiwan na parliamentary o gagawin natin na pareho ng sistema sa ibang local government units at susundan yung ating unitary at presidential form of government.

Q: Kung sakali po at yan ay makalusot at mabuo ang Bangsamoro, at meron ho tayong parliamentary form of government sa kanila ay ano ho ang pipigil sa ibang mga rehiyon na humiling din na magkaroon din sila ng parliamentary form o kaya’y magkaroon ng katulad ng Bangsamoro?

A: Sila’y pwedeng magkaroon ng ibang sistema dahil sila nga ay may autonomy, kaya nga Bangsamoro Autonomous Region ang tawag natin sa area na yun. Kaya naman maaaring gawin iyon dahil autonomous region sila at ito’y galing sa constitution na sinasabing dalawa ang maaaring i-organisa na autonomous region, isa sa Muslim Mindanao at isa pa sa Cordillera. Hindi natuloy yung Cordillera dahil natalo sa plebisito kayat ang nabuo yung ARMM. Kaya’t yun pagka sinabi autonomous ay kailangan talagang kung ano yung ninanais nung region na yun. At sa usapan ng government of the Philippines at saka ng MILF ay yun ang kanilang ipino-propose na dapat maging parliamentary and ministerial ang form of government ng Bangsamoro Autonomous Region, ng Bangsamoro government. Kaya’t siguro yung iba maaari ring magsabi na mag-autonomous na rin kami. Kaya naman sa sinulat ko na substitute bill ay ginawa kong maliwanag na maliwanag na hindi ito maaaring gamitin para paghiwalay sa Pilipinas. Dahil pagka ganyan ang nangyari at maraming naging autonomous: mag-autonomous kami sa Ilocos, mag-autonomous ang Bicol, mag-autonomous…e wala e, walang maiiwan sa bansa, kaya’t yan ang ating iniiwasan.

Q: E parang lumalabas nyan e buong Pilipinas na tayong mag-parliament?

A: Kaya napupunta yung usapan sa federalism dahil ito parang nabigyan ng buhay ang idea na dapat maging federal system of government na tayo. Pagka federal system of government mas maluwag ang hawak ng national government, at ito ay magiging—ng national government sa local government units. Pero ibang usapan yan, magbabago tayo ng sistema ng gobyerno ng buong Pilipinas.

Q: Iyong parliamentary form of government na gagawin dun sa Bangsamoro region ay may posibilidad na kung makapasa yan ay pwede pa ring habulin o may mag-kwestiyon sa Supreme Court, senator?

A: Malamang at sinubukan naming ayusin lahat ng sinasabing unconstitutional provisions. Pero kagaya ng halimbawa, ay itong sa parliamentary form of government ay hindi nga maliwanag. Maaring mangyari na ipasa ang basic law na parliamentary form of government pa rin ang Bangsamoro autonomous region tapos i-challenge sa Supreme Court at huhusgahan ng Supreme Court na unconstitutional. Pero ito ay ika nga namin kailangan na pag-usapan na mabuti. Gusto natin umiwas nga na ma-strike down o mahusgahan na unconstitutional. Pero yung iba nga ay alam naman natin na kung minsan ay judgment call yan, nasa sinong kausap mo, iba iba ang opinyon.

Q: Tama, tama. Opo. Yung question ninyo na bakit ang Malaysia ay third party dito sa usapan, nasagot na ho ba yun?

A: Hindi. Walang sumagot. Hindi nasasagot yang question na yan. Maaga pa lang sa pagdinig sa Senado marami nang nagsasabi bakit kasama ang Malaysia dito. Dahil maliwanag naman na ang Malaysia hindi naman objective observer, kung hindi me interes. Yung interes nila ay may claim tayo sa Northern Borneo na Sabah at ito ay nasa Malaysia ngayon. Alam naman natin si Nur Misuari nung nakaraan ay nagsabi na nung nagsimula yung kanyang paglaban sa gobyerno nung 1968 ang pomopondo sa kanya ay Malaysia. Siguro iniisip ng Malaysia kung merong ganitong klaseng gulo dito sa atin hindi natin masyadong maiintindi yung ating claim sa Sabah. Ngayon nagtataka ang marami, bakit nasama ang Malaysia? Dahil nagkaroon naman tayo ng agreement between the Philippine government at saka nung MNLF at ang naging facilitator yung Indonesia. Ang Indonesia tanggap naman ng ating mga kasamang Muslim, tanggap naman ng Philippine government, at walang interes. Kaya’t nagtataka ang marami bakit nasama ang Malaysia? Isa pa doon ay yung napag-usapan nga natin, parliamentary and ministerial form of local government ay kung titingnan mo yung sa Malaysia ay eksatong eksaktong ginaya ng Bangsamoro Basic Law yung sistema sa Malaysia. Kayat marami—ayan na pinaghahandaan na tayo na maghihiwalay. Kaya’t iyan ang isa sa naging mahabang discussion. Pero sabi nga namin iwan natin yung parliamentary pag-usapan na lang sa plenaryo pagdating ng panahon, pero dagdagan na lang natin ng provision na hindi talaga maghihiwalay ang Bangsamoro Autonomous Region sa Pilipinas dahil nga sa pangamba ng ilan na …baka humiwalay.

Q: Oho. So hanggang ngayon wala pang malinaw na sagot, why nandyan ang Malaysia. Nung magpirmahan ho sila nandun ang Pangulong Noynoy Aquino, andun ho yung mga kinatawan ng MILF, nandun ho yung mga katulong ng Pangulong Aquino–sina Chairman Miriam Coronel-Ferrer at nandun din ho ang opisyal ng Malaysia. So maraming nagtataka–ay bakit, anong papel ng Malaysia? Ano ang karapatan ng Malaysiang andun sila sa pirmahan ay kasunduan yun ng MILF at saka ng Malacanang o ng Pilipinas?

A: Ay dahil nga sila’y facilitator–yan ang pinili ng ating gobyerno, pumayag sila na ang Malaysia ang gawing facilitator at hindi ko alam kung sino ang nagdesisyon nyan at kung anong dahilan kung bakit Malaysia ang napili nilang facilitator e marami namang nakahanda. At hindi lamang bilang facilitator sa negosasyon kung hindi, halimbawa sa disarmament group me Malaysian, sa International Monitoring Team me Malaysian din—lahat ng hakbang sa pag-implementa nung kanilang pino-propose na Bangsamoro Basic Law ay may nakahalong Malaysian na supposed to be objective observer. Kayat nakakapagtaka nga kung bakit pumayag ang ating gobyerno sa ganyan. Pero nandyan na yan, wala na tayong magagawa. Nakalipas na ang panahon na palitan yan kaya naman pinatibay natin ng matibay na matibay yung paglalagay sa isang probisyon na hindi maaaring gamitin ang Bangsamoro government bilang paghiwalay ng Bangsamoro Autonomous Region sa Pilipinas.

Q: Okay. Pero ang inyong version po ng Bangsamoro Basic Law senator ay inaakala po ninyo na malinis na ito at hindi na pwedeng habulin pa sa Supreme Court?

A: Kagaya ng sabi ko meron pa sigurong kwestyunable at walang makapagsabi na talagang constitutional o unconstitutional. Mag-aantay pa tayo pagka na challenge sa Supreme Court. Pero lahat nung mga maliwanag na unconstitutional yun ang inayos na namin at niremedyuhan na natin. Napag-usapan natin noon yung tinatawag na constitutional bodies, lahat yun ay ginawa na namin na sumasailalim sa national government. So yung pagka-unconstitutional na yun naayos na yun. Yun lamang, again balikan ko yung halimbawa yung sa parliament ay hati nga ang opinyon e. Kung yung ibang magagaling na abogado sinasabi hindi that’s unconstitutional. Pero yung iba namang mga justice, mga propesor sinasabi pwede. Merong mga ganung part na kailangan pa ring pag-usapan at ng makapag-decide ang Senado kung maiiwan yung mga—hindi naman kwestyunable kung hindi yung hindi ma-decde kung constitutional o unconstitutional. Pero sa palagay ko malapit na malapit na tayo dun sa sitwasyon na yung basic law ay constitutional na.

Q: Okay. So umaasa ho tayo sa Monday masisimulan na natin ang debate?

A: May isang senador, at least isang senador na naka-schedule para sa Lunes. So at the very latest sa Lunes magsimula ang interpellation dito sa Basic Law on the Bangsamoro Autonomous Region.

Q: E meron na ho ba kayong idea sa 14 na senador na nagpahiwatig na sila’y mag-iinterpellate po sa inyo, sa 14 na yan, sa akala po ninyo ay tatagal ng gaano katagal yan?

A: Ay yan ang hindi natin malalaman. Halos lahat ng senador ay mayroon silang gustong itanong, mayroon silang nakahanda na proposed amendment kaya’t pinag-aaralan ngayon yung substitute bill na ipi-nile ko kung ano pa sa palagay nila and dapat ayusin. At ito siguro ay hindi siguro tatagal ng isang buwan yan. Palagay ko, three session days a week, pangatlong session baka kakayanin–titingnan natin. Dahil yung ibang isyu talaga dito na alam kong nais itanong ng ating mga senador ay medyo kumplikado at saka detalyado kailangan ang usapan dyan.

Q: Naku ay di pag-aaralan uli yan? At pati yung mga senador, para sumang-ayon, ay pag-aaralan uli yung proposal ng isang senador, parang ganun?

A: Oo, talagang ganun. Alam mo naman ang proseso, nadaan ka dyan. Pero wala tayong magagawa. Kailangan lahat ng tanong ng bawat…may karapatan ang bawat senador na magtanong. Kaya’t yung interpellation ay hindi mo masasabi. Pag nareserba, sinabi magtatanong, mag-iinterpellate ako. Pag sinabi, kahit sabihin mo ay hindi pa ako handa ngayon, kailangan mong antayin kasi yan ang karapatan ng bawat senador.

Q: Oo, tama ho. Maliban ho dyan ano pa ang maaaring maging dahilan para tumagal ang interpelasyon dahil may iba pa kayo syempreng tatalakayin pa ho sa Senado: andyan pa yung nakahandang budget for 2016 and then yung paghahanda po sa darating na eleksyon, senator?

A: Nandun na nga tayo dahil nadelay ng—siguro yung kalkulasyon ko mga walong buwan. Simula sa pagdidinig tapos etong proseso ng interpellatioon ay nadelay ng mga eight months dahil Abril dapat dumating sa amin yan, dumating September, so anim na buwan kaagad. Tapos yung Mamasapano almost eight weeks kaming naghi-hearing para imbestigahan yung Mamasapano kayat na-push back na naman yung schedule. Kayat napunta na nga tayo dito, kaya’t nagiging magulo nga dahil depende sa takbo ng pagpaa ng batas ay pagdating ng deadline of filing ng COC e kailangang mag-decide kung wala pang BBL, yung mga assemblyman ng ARRMM pwedeng mag-file ng certificate of candidacy bilang assemblyman ulit ng ARMM dahil wala pang Bangsamoro parliament. Kayat depende yan sa takbo ng proseso, legislative process. Hindi pa natin napapag-usapan dyan ay yung bicameral committee, kung saan ay ipagsasama sama–i-harmonize yung version ng Senado at saka version ng House of Representatives. Nagkataon nakausap ko ang chairman, si Congressman Rufus Rodriguez kahapon. At sa palagay namin—sabi ko hanggat maaari ginaya namin yung sa House version, pero palagay ko marami pa rin kaming pagdedebatehan between sa House at saka ng Senado. So may isa pang bahagi dyan na hindi rin natin malalaman kung gaano katagal ang kakailanganin para matapos.

Q: Pero pinagpipilitan pa rin po ng MILF na kinakailangan ay yung original pa rin at ayaw daw nila na i-debone ninyo itong laman ng BBL or else, parang ganun?

A: E ganyan yung kanilang posisyon: maliwanag na yung posisyon nila ay kailangang bumalik sa dati. Ang problema lampas na tayo dun sa panahon na iyon. Alam naman natin na yung draft BBL na ipinasa nila siguradong matatalo–unang una hindi papasa sa House, pangalawa hindi papasa sa Senado. E kung sakali mang pumasa tiyak ako na ang Supreme Court sasabihin ay unconstitutional. Naiintindihan ko parang negotiating position nila yan e, so sa pinaka-gusto nila. Pero siguro, pagka humingi din sila ng meeting sa Senado para kausapin ang mga senador tungkol nga dun sa substitute bill gagawa rin sila ng listahan kung ano yung mga provision na dapat palitan o dapat ibalik. Pero kung ipipilit nila yung original draft bill, palagay ko hindi na mangyayari yun dahil talagang imposible nang ibalik sa dati. At kung magawa man yun na ibalik sa dati hindi papasa sa both houses of Congress.

Q: Okay maraming salamat po senator at magandang umaga po.

A: Magandang umaga kabayan, magandang umaga sa lahat ng nakikinig. Maraming salamat po.

Back to Blog