Sen. Bongbong Marcos umapela sa Senado na ipasa ang panukala upang maibsan ang hirap ng mga pasyenteng may taning na ang buhay

Wala nang pinakamahalaga sa isang taong malapit nang mamatay dahil sa sakit kundi ang makapiling ang kanyang mga mahal sa kanyang natitirang buhay.

Dahil dito, umapela si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Senado na ipasa ang kanyang panukalang Senate Bill 3342 o ang “Palliative and End of Life Care Act” na kanyang inihain nitong nakaraang Disyembre.

Ayon kay Marcos ang mga kritikal na karamdaman ay dumudurog hindi lang sa katawan ng pasyente kundi pati na rin sa emotional, psychological, spiritual, at financial na katayuan ng kanyang pamilya, kaanak at mga kaibigan.

“Hindi maitatatwa ang pangangailangan ng isang komprehensibong medical treatment para naman maging magaan kahit paano sa isang pasyenteng may malubhang kalagayan ang nalalabi niyang buhay,” ayon kay Marcos.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang lahat ng pampubliko at pribadong pagamutan na magbigqy ng palliative care at end of life services sa lahat ng may life-threatening na sakit.

Pinagagaan ng palliative care ang sakit na dinaranas ng isang pasyenteng nasa kritikal na kalagayan pati na rin ang emotional at psychological pain ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pain and symptom relief at spiritual and psychological support sa mga ito simula sa pagkakatuklas ng karamdamam hanggang sa pumanaw ang may sakit.

Mungkahi din ng nasabing panukala ang pagbibigay ng 60-day compassionate care leave with pay kada taon sa miyembro ng pamilya na mag-aalaga sa pasyente.

Nasa panukalang batas din ang pagtatatag Palliative Care Trust Fund na siyang aalalay sa pinansiyal na pangangailangan ng mahihirap na pasyenteng may terminal na sakit.

Sa ilalim ng panukala daragdagan ng P500 million ang budget ng Department of Health, na hahatiin ng parehas sa mga probinsya, syudad, at mga bayan, para sa unang taon ng pagpapatupad nito.

Para sa mga susunod na taon, dapat maglagay ng karampatang pondo sa ilalim ng General Appropriations Act para sa pagpapatuloy na implementasyon ng naturang batas.

“Maaari pa ring maging makahulugan at magaan ang nalalabing buhay ng isang terminally-ill patient sa harap ng mabigat na pagsubok sa pamamagitan ng suporta ng pamilya at mga kaibigan at pagbibigay ng comprehensive palliative treatment and attention,” diin ni Marcos.

Back to Blog