Sen. Bongbong Marcos nanawagan ng crackdown laban sa illegal recruiters

Nanawagan si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa pamahalaan na maglunsad ng walang humpay na kampanya laban sa mga illegal recruiter at fly-by-night manning agencies matapos tanggalin ang ban sa deployment ng Filipino workers sa Iraq at Yemen.

“Palagi tayong nakakarinig ng malungkot na kwento ng mga aplikanteng Pilipino na nagbenta ng kanilang ari-arian o kinuha ang naipon sa bangko para panggastos sa pag-aaplay ng trabaho sa abroad pero nauwi lang sa wala dahil sa illegal recruiters,” ayon kay Marcos.

Kasabay nito, hiniling ni Marcos sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na isapubliko sa pamamagitan ng tradisyunal at social media ang mga blacklisted recruitment agency na nambibiktima ng mga aplikanteng overseas Filipino worker (OFWs).

“Dapat bantayan ng gobyerno, partikular ang POEA, ang mga illegal recruiter. Ngayong na-lift na ang ban (sa Iraq at Yemen), asahan nating sasamantalahin ng mga Pilipino ang pagkakataon na makapagtrabaho sa Middle East upang kumita ng dolyar. Pero malamang na nakaabang din ang mga illegal recruiters para mambiktima,” diin ni Marcos.

Hinimok din ng senador ang naturang ahensya na maglabas ng malinaw na guidelines hinggil sa pagde-deploy ng OFWs sa naturang Arab countries pati ang listahan ng mga recruitment agency na awtorisadong magpadala ng trabahador sa naturang destinasyon.

Nais din ni Marcos na i-monitor at agad kandaduhan ng POEA ang mga ahensyang humihingi ng sobrang taas na application at processing fees sa mga nag-aaplay na OFWs.

Kamakailan ay inanunsyo ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na aprubado na ng POEA ang resolusyon na nag-alis sa 5-year ban sa deployment sa Iraq at Yemen alinsunod sa rekomendasyon ng Department of Foreign Affairs.

Gayunpaman, nilinaw ni Baldoz na ang proseso ng deployment ng OFWs, maliban sa household service workers, sa Iraq ay magsisimula lamang ulit sa sandaling magtapos na ang bilateral agreement ng naturang bansa at Pilipinas at matukoy ang mga restricted zone.

Back to Blog