Sen. Bongbong Marcos Nagsasawa ng Pagdining sa naga ukol sa Bagong Lalawigan ng Nueva Camarines

nueva-cam-hearingNAGA CITY , CAMARINES SUR—Dinagsa ng mahigit sampung-libong katao sa Naga City Coliseum, ika-3 ng Agosto, ang pagdinig ng Senado kaugnay ng Senate Bill No. 4820, o ang panukalang gumawa ng bagong lalawigan sa Kabikulan: ang “Nueva Camarines”. Ang pinag-aaralang lalawigan ng Nueva Camarines ay bubuuin sa pamamagitan ng paghati sa dalawa ng lalawigan ng Camarines Sur.

Ang pagdinig ay pinamunuan ng Tagapangulo ng Senate Committee on Local Government na si Sen. Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., na sinamahan ng mga kasapi nito sa Kumite na sina Sen. Manny Villar at Sen. Gringo Honasan. Lumiban naman si Sen. Joker Arroyo dahil sa kanyang pagkakahirang bilang kinatawan ng Senado sa pagdinig ng Korte Suprema sa Maynila sa petisyon ukol sa komposisyon ng Judicial and Bar Council. Sa kanyang liham, humingi ng paumanhin si Senador Joker, ngunit nagpahayag ng kanyang di-pagsang-ayon sa pagbuo ng Nueva Camarines.

Dumalo rin ang Gobernador ng Camarines Sur L-Ray Villafuerte, na kumokontra sa panukalang-batas na hatiin ang kanyang lalawigan. Sa kabilang banda, nagbigay naman ng kabaligtarang panig ang sarili niyang ama na si Rep. Luis Villafuerte, na nagsusulong naman ng paghahati ng Camarines Sur upang mabuo ang Nueva Camarines.

“Natutuwa kami sa masiglang partisipasyon ng mga tao dito sa Bikol, at simbolo ito ng malusog na demokrasya sa ating bansa. Naibigay naman ng lahat ng panig ang kanilang mga opinyon at paninindigan. Ito ay pag-aaralang mabuti ng inyong Kumite upang maresolba natin ang lahat ng mga isyu sa lalong madaling panahon,” wika ni Sen. Marcos, na Tagapangulo rin ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlements.

Nagsimula ang pagpupulong dakong ika-10:20 nang umaga ng Agosto 2, kung saan masiglang nagpalitan ng kuru-kuro ang mga tagapagsalita at nagbigay ng opinyon ang mga kinatawan ng bawat sektor, na madaliang makikilala sa pamamagitan ng mga nagkukulayang mga kartelon at mga panawagan.

Nilinaw ni Marcos na pag-aaralan nila ang merito sa isyu bago gumawa ng rekomendasyon ang kanyang kumite.

Batay sa panukala, pagsasamahin ang ikaapat na distrito kabilang ang 10 nitong bayan; ang ikalimang distrito na may anim na munisipalidad; at isang siyudad mula sa orihinal na komposisyon ng Camarines Sur, na may kabuuang 35 bayan at dalawang lungsod.
Ang panukalang Nueva Camarines ay bubuuin ng mga bayan ng Caramoan, Garchitorena, Lagonoy, Presentacion, San Jose, Siruma, Tinambac, Goa, Tigaon at Sangay mula sa ikaapat na distrito; at mga bayan ng Baao, Balatan, Bato, Bula, Buhi, Nabua at Iriga City na nagmula sa ikalimang distrito.

Sakaling maaprubahan ng Kamara de Representantes at ng Senado, at malagdaan ni Pangulong Aquino, ang Nueva Camarines ay kailangang mapagtibay sa isang plebisito na isasagawa sa buong lalawigan bago maging ganap na lalawigan.

Back to Blog