Sen. Bongbong Marcos: Istriktong COA rules hadlang sa pagtulong sa distressed OFWs abroad

Mismong ang mahigpit na patakaran ng Commission on Audit (COA) ang siyang nakakahadlang sa gobyerno upang magbigay ng karampatang ayuda sa mga distressed na overseas Filipino worker (OFWs) sa ibang bansa(OFWs), ayon kay Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Paniniwala ni Marcos na dapat umanong i-relax ng COA ang mga panuntunan nito upang matanggal ang mga bumabara sa pagpapalabas ng pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para matulungan ang mga OFW na nasa abroad at nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno.

“Ang OWWA ay may malaking trust fund. Pero malaking bahagi nito ay hindi nagagamit dahil sa mahigpit na rules and regulations ng COA hinggil sa paggamit ng pondong ito,” puna ni Marcos.

Inihayag ni Marcos na handa siyang magpanukala ng batas kung kinakailangan upang mapalitan ang rules and regulations ng COA upang magamit ang pondo ng nasabing trust fund sa pangangailangan ng mga OFW.

Ang mga patakarang ito ng COA, ayon kay Marcos, ay hindi nakakatugon sa pangangailangan ng mga problemadong OFW samantalang itinatag ang trust fund na ito para sa kanila.

“Kaya dapat i-relax ang rules and regulations ng COA para naman magamit ang mga pondong ito (trust fund) para matulungan ang mga worker natin abroad,” diin ni Marcos.
Ayon pa kay Marcos: “Ang laging nagiging problema ng ating mga OFW ay nagkakaproblema ng legal, nagkakakaso, iyung hindi makauwi, iyung nag-overstaying na at nade-deport, may namatayan (at) kailangan iuwi.”

Bagama’t hindi nagdududa ang senador sa hangarin ng Department of Foreign Affairs (DFA), pinipigil umano ng kakulangan ng sapat na pondo ang kanilang mga pagsisikap upang mabigyan ng tulong ang mga OFW sa kanilang kinakaharap na problema.

“Ang kailangan nating gawin ay bigyan ng kaukulang pondo ang DFA dahil sa ang mga problemadong OFW ay tumatakbo sa ating mga embahada at konsulado. Ang DFA ay handang tulungan sila pero walang silang sapat na pondo halimbawa para kumuha ng mga abogado upang ipagtanggol ang mga OFW na may kaso sa korte,” puna ni Marcos.

Sinabi pa ni Marcos na panahon na upang suriin ng COA ang mga patakaran nito at tanggalin ang mga balakid sa pagtugon sa pangangailangang pinansyal ng mga OFW abroad.

Back to Blog