Sen. Bongbong Marcos Isinusulong ang mas Mahabang Termino para sa Barangay, SK Officials

Ang paulit-ulit na debate hinggil sa termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan officials ay maaari nang matuldukan kapag naisabatas ang panukala ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na nagbibigay ng mas mahabang “tour of duty” sa nasabing mga opisyal.

Ito ang lumlitaw makaraang ipanukala noong nakaraang Lunes (Oktubre 08) ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Local Government, ang Senate Bill 3296 o ang “Barangay and Sangguniang Kabataan Officials’ Term of Office Act of 2012” na nagtatakda ng limang taon na termino sa mga opisyal ng barangay at SK, mas mahaba ng dalawang taon sa kasalukuyang tatlong taon.

Nakasaad sa section 2 ng panukala na “the term of office of all barangay and sangguniang kabataan officials shall be five (5) years which shall commence at noon of November 20 next following their election.” Sa kasalukuyan, ang isang termino ay binubuo ng tatlong taon.

Hiniling din ni Marcos na isagawa ang susunod na synchronized election para sa naturang mga opisyal sa 2015, kung saan magkakaroon ng dalawang taon na holdover ang mga kasalukuyang nakaupong opisyal na naiboto noong October 25, 2010.

Napansin ni Marcos na may mga naantalang barangay at SK elections noon dahil sa kawalan ng sapat na pondo upang gastusan ang halaan.

Subalit marami ang nagmumungkahi na pahabain sa limang taon ang bawat termino habang ang debate hinggil dito ay lalong umiinit sa tuwing nalalapit ang barangay election.

Ikinatuwiran ng mga nagtutulak ng 5-year term of office na kulang umano ang tatlong taon upang matapos ang mga development projects na inumpisahan at ipinatutupad sa mga barangay.

“While the right of suffrage is unquestionably paramount and constitutionally protected, the benefit of holding barangay and sangguniang kabataan elections every three years rather than at a longer period is a pressing issue,” Marcos explained.

Back to Blog