Santiago, Marcos nanguna sa estudyante ng Adamson University

Nanguna ang tambalan ni Senador Miriam Defensor Santiago at Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa mga estudyante ng Adamson University sa Manila sa isang mock poll sa pagka-presidente at bise presidente.

Sinabi din ni Marcos na magkakasama sila ng kanyang ka-tandem sa kampanya sa balwarte ng huli sa Western Visayas.

Ani Marcos, sya ay natutuwa at pati sya ay tinatangkilik ng mga kabataan na kung saan malakas si Santiago mula pa noong umpisa. “At talagang ang kabataan suportadong-suportado siya. And I am happy to see na pati naman sa akin ay nararamdaman natin na suportado rin tayo ng kabataan,” ani Marcos.

Nitong Feb. 29 inilabas ng “Adamson Chronicle” opisyal na pahayagan ng mga estudyante ng Adamson University ang resulta ng kanilang mock polls kung saan iniwan nina Santiago at Marcos sa alikabok ang kanilang mga karibal na kandidato.

Natanggap ni Santiago ang 64.06% ng mga boto mula sa 1, 524 respondents samantalang 46.35% naman ang nakuha ni Marcos.

“Siguro ang dahilan diyan ay dahil sang-ayon nga kami ni Sen. Miriam sa ibat-ibang bagay, sa iba’t ibang approach tungkol sa pamahalaan. And that reverberates with young people because young people can see na kailangan nang baguhin ang sisytema, kailangan nang ayusin ang mga problema,” ani Marcos.

Ang plataporma ni Marcos ay nakatayo sa prinsipyo ng pagkakaisa ng bansa na aniya’s kailangang-kailangan para matupad ang kanyang vision para sa progresibong bukas para sa lahat ng Pilipino.

Samantala, sa isang press briefing, sinabi ni Marcos na nangako si Santiago na i-endorso siya sa kanyang mga kababayan sa Visayas tulad ng pag-endorso niya sa huli sa mga Ilocano noong magsimula sila ng kampanya sa Batac, Ilocos Norte.

“Meron kaming planong maglakad sa Visayas naman, doon siya malakas. At sabi niya na naipakilala ko na siya sa aking mga kababayan sa Norte, panahon naman na mapakilalala naman daw niya ako sa mga kababayan niya sa Western Visayas,” ani Marcos.

Pinaplantsa pa umano ang detalye ng lakad nila sa Visayas, ayon kay Marcos.

Paliwanag pa ng senador na talagang nagkasundo sila ni Santiago na mangampanya ng magkahiwalay sa maraming pagkakataon para mas marami silang maabot sa limitadong 90-araw na official campaign period.

Ginawa ng senador ang paliwanag matapos tanungin ng media kung bakit bihira silang makitang magkasama ni Santiago kumpara sa ibang tandem sa pagka-pangulo at bise presidente. Noong araw ng Martes nasa Laguna si Santiago habang nasa Rizal naman si Marcos.

“Sa dami ng pupuntahan, sa dami ng kakausapin, sa dami ng invitation, ay hindi mo naman mapuntahan lahat. So para mapagbigyan naman lahat, so kahit papano meron naming representative, ganun ang ginagawa,” ani Marcos.

“May invitation si Senator Miriam sa ibang lugar, may invitation din ako sa ibang lugar kaya pinaghahati-hatian lang namin yung trabaho,” dagdag pa niya.

Ayon kay Marcos nakatutok ang kampanya ni Santiago sa kanyang “secret weapon” o ang sektor ng kabataan.

Back to Blog