San Mateo kinumpirmang “Marcos country” ang Rizal

Binasbasan ng buong San Mateo, Rizal ang kandidatura ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at kinumpirmang ang buong probinsya ng Rizal ay “Marcos country.”

Binigyan ng mga opisyal at residente ng San Mateo ng mainit na pagtanggap ang senador nang dumating ang kanyang “Unity Caravan” sa kanilang bayan upang maging panauhing pandangal ng flag-ceremony munisipyo.

Pinagkaguluhan ng mga tao si Marcos at nag-uunahan sa pagkamay at pagpapa-selfie sa kanya nang siya ay dumating. Siya ay sinalubong ni Kong. Isidro “Jun” Rodriguez (2nd district, Rizal) at San Mateo Mayor Rafael Diaz.

Nagpasalamat naman si Marcos kay Diaz, mga opisyal ng bayan at mga residente nito sa napaka-init na pagtanggap na ibinigay nila sa kanya. Nabanggit pa ni Marcos na si Diaz ay miyembro dati ng Kabataang Barangay (KB) na itinatag ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

“Talaga pong nakaka-taba ng puso,” ani Marcos.

Ayon naman kay Rodriguez sa kanyang talumpati, natatandaan niya ang kanyang ama na laging sinasabing ang probinsya ang nagbigay ng pinakamalaking kalamangan sa ama ng senador noong una itong tumakbo bilang Presidente. “ Ganun din po ang gagawin natin para kay Senador Marcos,” ani Rordiguez.

Ang sagot ng madla sa kanya: “Marcos, Marcos, Marcos pa rin!”

Sa pagtatapos ng flag-ceremony itinaas ng mga tao ang kanilang kamay para ipanalangin si Marccos at ang kanyang kandidatura.

Ang mainit na pagtanggap kay Marcos sa naturang bayan ay ipinakita ng retired teacher na si Josefina Magabo (PhD), na nagdala pa ng litrato ng pamilya Marcos at dalawang libro na sinulat ni dating Pangulong Marcos para mapirmahan ng senador.

“Matagal ko nang hinihintay ang pagkakataon na makita siya (Sen. Marcos). Natutuwa ako at nangyari na rin sa wakas,” ani Magabo na nagsabing mangangampanya siya para sa kandidatura ng senador sa kanyang kapamilya, kapit-bahay at mga kaibigan.

Sa San Mateo muling binanggit ni Marcos ang kanyang panawagan para sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino. Ayon sa kanya ito ang tanging paraan para makamit ng bansa ang tunay na pag-ulad tungo sa isang progresibong bukas.

“Sa inyong tulong, sa inyong suporta, magagawa natin ito,” ani Marcos.

Matatandaang noong bumisita si Marcos sa kapitolyo nitong nakaraang buwan nagpahayag sa kanya ng suporta ang mga kilalang lider ng probinsya na pinangungunahan ng angkan ng Ynares.

Sinabi pa mismo ni Rizal Vice Gov. Frisco San Juan, Jr. na ang ang Rizalenos ay mananatiling “Marcos country.”

Back to Blog