Saludo tayo sa mga sundalong walang takot humarap kay “kamatayan”

Kung ang ating mga sundalo ay sumasaludo sa kanilang mga opisyal, tayo ay sumasaludo naman sa kanila bilang paghanga. Bakit ‘kamo? Sila ang mga nakikipagtitigan kay kamatayan. Walang atrasan, ‘ika nga, kung lumaban. Iaalay ang huling patak ng dugo at huling hininga para sa bayan.

Sa Mindanao, ga-hibla lang ang pagitan ng buhay at kamatayan para sa ating mga kawal. Pero okey lang sa kanila ‘yun. Handa silang mamatay para sa mga Pilipino, Muslim man o Kristyano.

Pero kahit halos “kapantay ay langit” ang dedikasyon ng mga sundalo, ‘wag naman sana silang ipain palagi sa kalaban. Nasabi natin ito dahil tuwing may karahasan sa Mindanao, itinutulak agad sila sa gyera sa ilalim ng “all-out war” offensive ng gobyerno.

Tumampok na naman ang salitang all-out war dahil sa ilang insidente ng karahasan sa Mindanao kamakailan. Ilang sundalo ang namatay sa kamay ng bandidong Abu Sayyaf.

Minsan mapapaisip tayo: All-out war na lang ba palagi ang solusyon sa gulo sa “Lupang Pangako?” Kung tama ang all-out war, dapat wala nang Abu ngayon dahil noon pa man, all-out war na ang patakaran laban sa mga ’yan. Pero bakit hanggang ngayon hindi pa nauubos ang ASG? Hanggang ngayon, naghahasik sila lagim.

Sa totoo lang, kulang ang all-out war bilang solusyon. Dahil kung all-out war lang, magbibilang lang tayo palagi ng patay. ‘Buti sana kung bangkay ng kalaban ang binibilang natin.

Ang ibig nating sabihin, ang all-out war ay dapat bahagi lang ng kabuuang remedyo na kinapapalooban ng “all-out peace” at “all-out development” bilang dalawang pangunahing istratehiya para matigil ang karahasan sa Mindanao.

Ito rin mismo ang pananaw at sinasabi sa atin ng mga lokal na opisyal sa iba’t-ibang bahagi ng Mindanao na aking naikutan na kailan lang dahil nagsasagawa ako du’n ng public hearing hinggil sa panukalang Bangsamoro Basic Law.

Sa all-out peace, katwiran at hindi baril ang armas. Walang mamamatay dahil usapan at hindi putukan ang tunggalian.
Hindi ba’t payapang negosasyon sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front ang nagsilang sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro? Noong 1996, negosasyon din ang dahilan kung bakit nagkaroon ng peace agreement ang pamahalaan at Moro National Liberation Front.

Sa mga lugar na may manaka-naka pa ring pagsiklab ng karahasan, dapat ipagpatuloy pa rin ang usapang pangkapayapaan sa mas mas maliliit na saklaw. Pwedeng regional peace negotiation, municipal peace negotiation, at barangay peace negotiation.

Isabay dito ang all-out development dahil isa sa mga ugat ng kaguluhan sa Mindanao ay kahirapan. Kailangang itaas ang antas ng pamumuhay. Dapat buhusan ng mga proyektong imprastraktura at pangkabuhayan ang mga komunidad. Paunlarin at palaganapin ang edukasyon. At higit sa lahat, gawing pantay ang hustisya sa lahat.

Ngayon, sa mga pasaway na pulitiko na siga, rebeldeng nagtatakwil sa kasunduang pangkapayapaan, teroristang grupo, Abu Sayyaf at mga bandidong kidnap-for-ransom at extortion raket ang “negosyo,” d’yan ibalandara ang all-out war. Sa banta sa seguridad, all-out war ang itapat.

Mahaba na ang listahan ng mga namatay sa gyera sa Mindanao. Magkakasama dito ang mga sundalo, armadong grupo, at sibilyan.

Maging wise at mahinahon tayo sa pagharap sa problema sa Mindanao. ‘Wag palaging “utak pulbura.”

This article was published in Bulgar on 24 November 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog