Saksi Ngayon – VOTER REGISTRATION, GAWING ONLINE

By Dang Samson-Garcia | Saksi Ngayon

ISINUSULONG ni Senador Joel Villanueva ang panukala upang gawing online ang voter registration sa gitna ng patuloy na pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Sa kanyang Senate Bill 1516, nais ni Villanueva na payagan ang Commission on Elections (COMELEC) na bumuo ng automated online system para sa voter registration upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Ipinaliwanag ng senador na hindi lamang nito mapadadali ang proseso para sa mga botante kundi maisasaayos din ang database ng COMELEC bukod pa sa posibilidad na mas dumami ang magnanais na makiisa sa eleksyon.

Nilinaw rin sa panukala na kung hindi kakayanin ng poll body ang implementasyon ng online system sa maikling panahon, dapat pa ring magkaroon ng online application verification system sa mga susunod na panahon.

Binigyang-diin ni Villanueva na dapat matuto ang bawat isa na mag-adjust sa sitwasyon upang maituloy pa rin ang mga karaniwang gawain sa kabila ng krisis na kinakaharap. DANG SAMSON-GARCIA

Back to Blog