Saksi Ngayon – PERALTA COURT NG SC LEONEN COURT NA BA?

By Saksi Ngayon

PRO HAC VICE Ni BERT MOZO

KUNG TOTOO NGA NA NA-OVER POWER NI SUPREME COURT ASSOCIATE JUSTICE MARIO VICTOR LEONEN ANG LAHAT NG MGA JUSTICE’s NG KORTE SUPREMA KASAMA SI CHIEF JUSTICE ­DIOSDADO ­PERALTA ABA’Y TAMA BANG TAWAGIN NA ANG ­PERALTA COURT AY LEONEN COURT NA!?

Ganito po kasi yon, nakukuwestyon kasi ngayon yung ipinalabas ng Public Information Office (PIO) ng Supreme Court (SC) na media briefer na nagsasaad na ‘deny unanimously’ ng Presidential
Electoral Tribunal (PET) yung motion for inhibition ni dating Senador ­Ferdinand R. Marcos Jr. at ng Office of the Solicitor ­General (OSG) laban kay Justice ­Leonen bilang ­ponente sa election protest nito laban kay Vice President Ma. ­Leonor Gerona-Robredo.

Kasi lumalabas po sa impormasyon ng inyong lingkod mula sa mga mapagkakatiwalaang source sa SC, na sa nakaraang en banc session ng mga ­Justices nuong nakalipas na Martes ay isinusulong ni Justice Leonen na i-deny yung motion nina dating Sen. Marcos at OSG subalit walang kumikibo o reaksyon mula sa mga kasamahan nito. So paano po nakapagpalabas ng ganoong media briefer ang SC-PIO??

Ayon pa sa source na pinagsabihan pa umano ni Chief Justice Peralta si Justice Leonen na bakit niya isinasama ang buong en banc sa kanyang pagdeny sa motion nina dating Senador Marcos at OSG gayung maari naman siyang magpalabas ng kanyang sariling resolution.

Subalit sinagot umano ni Justice Leonen si CJ Peralta na “akala ko ba ang Peralta Court ay collegial body”? At sa puntong ito ay wala umanong kahit isang justice ang nakapag-react upang sang-ayunan si CJ Peralta sa naturang sagutan.

Kaya ibig sabihin lang noon, na over power ni Justice Leonen ang lahat ng mga Justices ng SC kasama na si Chief Justice Peralta.

Ang ‘di ko lang maintindihan sa mga Justices ng SC na kaya ba silang diktahan ng kanilang kapwa associate justice lang at mapasunod sa pansariling kagustuhan nito?

Heto pa ang ang isa sa nakakalungkot lang isipin na sila yung sandigan o takbuhan ng sambayanan ng mga tinatawag na injustice pero sa mismong loob pala ng Supreme Court mayroong ganoong pangyayari?

Biro nyo naman nagpalabas na kaagad ng media briefer ang PIO ng SC na unanimously voted daw ng mga mahistrado na i-deny ang motion nina ­dating Senador Marcos at OSG gayung wala naman palang nangyaring pag boto sa isinusulong na resolution ni Justice Leonen?!

Sobrang bait lang ni CJ Peralta na pinapayagan niya ang ganoong paguugali ni Justice Leonen.

Kaya lamang mukhang sumusobra na po yata CJ Peralta si Justice Leonen para maniobrahin niya ang En Banc nang palabasin niyang bumuto na kayong lahat para i-deny yung motion nina dating Sen. Marcos at OSG gayung hindi naman pala? Di ba dapat ikorek po ito ng En Banc?

Ayan po ang katotohanang nagpalabas ngayon ng kautusan ang SC EN BANC na binabawi na nila ang ipinalabas nilang kautusan na pagpaliwanagin sina Solicitor General Jose Calida at Manila Times Sr. Reporter Jose Marcell Canlas kung bakit hindi sila dapat patawan ng contempt of court dahil sa kanilang aksyon.

Kung gayon po na mayroong ganyang kautusan ang SC EN BANC ibig lang sabihin na lahat ng isinulat ng Reporter ng Manila Times ay totoo, na isang bias na ponente ng election protest ni dating Senator Marcos si Justice Leonen.

Di ba dapat ang aksyon diyan ng SC EN BANC, eh sila na mismo ang magpalabas ng kautusan upang bitiwan ni Justice Leonen yung election protest ni dating Senator Marcos?!

Oo nga pala, teka lang, bilang pahabol: Ano ba itong nabalitaan ko Justice Leonen na may ipinapagawang ka daw cottage ng SC sa Baguio City na ang gamit na pondo sa renovation nito ay pondo diumano ng hudikatura? Ang sabi limang milyong pisong mahigit ang gagastusin?

Back to Blog