Saksi Ngayon – Para sa interes ng mga Pilipino – Malakanyang PAGPANIG NI CALIDA KAY MARCOS INAYUNAN

By Saksi Ngayon

IGINIIT ng Malakanyang na ang naging pagkilos ni Solicitor General Jose Calida, government’s lead lawyer ay para sa interes at kapakanan ng sambayanang Pilipino nang pumanig ito kay Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos sa kanyang poll protest laban kay Vice President Leni Robredo.

Si SolGen Calida, na nagkampanya para kay Marcos noong 2016 race, ay nagsumite ng mosyon na sumusuporta sa inihaing “strong manifestation” ni dating Sen. Marcos sa Korte Suprema na humihiling para mag-inhibit sa kanyang electoral protest si Associate Justice Marvic Leonen.

“I suppose, ang motion had to be filed because it is the interest of our people na malaman natin kung sino talaga ang nagwagi para sa Bise Presidente,” ayon kay Sec. Roque.

“He is the statutory counsel for the government, and as statutory counsel, he has an interest in knowing who actually, who legally won in the Vice Presidential election. We have an interest as a nation to find out if there is merit in fact in that election protest,” dagdag na pahayag nito.

Sa ulat, batay sa mosyon ni Marcos, hiniling din nito sa Supreme Court na mare-raffle o mailipat sa ibang Associate Justice ang paghawak sa kanyang electoral protest laban sa naproklamang si Robredo.

Kabilang sa grounds o pinagbatayan ng kampo ni Marcos sa hiling na inhibition ay ang dissenting opinion ni Leonen sa burial case ng kanyang ama na si dating pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon sa kanya, malinaw na may “palpable bias and partiality” o may pinapanigan si Leonen laban sa mga Marcos.

Binanggit din ng dating senador na ground for inhibition ang artikulong lumabas sa pahayagan na The Manila Times kung saan nakasaad, na bago pa nailipat ang assignment ng electoral protest case kay Leonen ay kinukumbinsi na nito ang iba pang miyembro ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na ibasura agad ang kaso. (CHRISTIAN DALE)

Back to Blog