Saksi Ngayon – PANDEMYA ‘DI MAKADIDISKARIL SA 2022 ELECTIONS – MARCOS

By Saksi Ngayon

INUMPISAHAN na ni Senador Imee Marcos ang congressional hearings para masigurong matutuloy ang national at local elections na naka-iskedyul sa 2022, pagsasaalang-alang na rin sa kautusan ni Pangulong Duterte kontra sa pagpapaliban nito.

Sa kabila ng pagpapaliban sa mga eleksyon sa ibang bansa nitong nakaraang taon, sinabi ni Marcos hindi mapipigilan ang Senate committee on electoral reforms and peoples’ participation na pinamumunuan niya na maghanap ng tama at kaukulang pandemic-related measures para masigurong ligtas para sa mga botante at poll watchers ang eleksyon.

Nitong January 19 lang, nakapagtala ang International Foundation for Election Systems ng 116 eleksyon na ipinagpaliban sa 69 bansa at walong teritoryo dahil sa paglaganap ng COVID-19.

Ang Australia, Canada, Germany, Hong Kong SAR, at UK ang ilan sa mga bansang nagdesisyong ipagpaliban ang lokal, municipal o legislative elections nitong nagdaang taon at iniskedyul nilang ituloy ngayong 2021.

“Kailangan tayong magsikap na maging katulad ng South Korea na nagtagumpay noong Abril sa pagsasagawa ng eleksyong ligtas kahit lumaki pa ang bilang ng kanilang mga botanteng lumahok,” ayon kay Marcos.

“Maiiwasan nating maging super spreader event ang isang eleksyon sa gitna ng pandemya kung maaga ang pagpaplano at paghahanda. Mababawasan din ang mga hamon sa pagiging lehitimo ng resulta ng eleksyon,” punto ni Marcos.

Ang kawalan ng mga imprastrukturang pang-eleksyon at pagpaplano para masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga botante ay sadyang nakababahala, ani Marcos, sabay giit sa maselang sitwasyon ng mga senior, PWD o may kapansanan, buntis, at indigenous peoples o mga katutubo.

Dagdag ni Marcos, karamihan sa mga guro na magsisilbing poll inspectors ay edad 60 pataas at may mataas na tiyansang mahawa ng COVID-19.

“Hindi puwedeng isantabi ang pagplano para sa eleksyon habang hinihintay ang bakuna na dumating. Ang paghahanap ng karagdagang pondo at paglalatag ng mga hakbang na konektado sa pandemya ay hindi nagagawa ng madalian,” paliwanag ni Marcos.

Maaring pagdudahan ang kredibilidad ng eleksyon dahil sa mababang bilang ng mga bagong botanteng nagpa-rehistro sa Commission on Elections (Comelec) at kung mababa rin ang bilang ng mga boboto dahil sa takot na mahawa sa sakit o kaya’y kalituhan sa bagong sistema ng pagboto, ani Marcos.

“Dagdag pa dyan ang posibilidad na hindi agad mailabas ang resulta ng eleksyon kumpara sa nakasanayan,” dagdag ng mambabatas.

Ang nasyonal at lokal na eleksyon sa Mayo 2022 ay susundan ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Disyembre. (ESTONG REYES)

Back to Blog