Saksi Ngayon – Pagresolba hanggang 2 taon lang ELECTION PROTEST ‘DI NA PWEDENG ‘UPUAN’

By Saksi Ngayon

(BERNARD TAGUINOD)

BUMUO ng Technical Working Group (TWG) ang House committee on suffrage and electoral reform para gumawa ng final draft sa panukalang batas na resolbahin ang lahat ng electoral protest ng hanggang 2 taon lamang lalo na sa presidential at vice presidential race.

Sa pagdinig ng nasabing komite na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Juliet Marie de Leon Ferrer, nagkasundo ang mga mambabatas na bumuo na ng TWG para sa final draft ng House Bill 2761 o ang “Fair Electoral Protest Act,” na inakda ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez.

Base sa panukala, kailangang maresolba ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang protesta sa pagkakapanalo ng president at vice president sa loob lamang ng 24 buwan o dalawang taon.

Sa ngayon ay walang itinakdang panahon kung kailan dapat tapusin ng electoral tribunal ang isang protesta laban sa pagkakapanalo ng isang kandidato mula barangay captain hanggang sa presidente.

Isang halimbawa rito ang election protest ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban kay Vice President Leni Robredo na maglilimang taon na subalit wala pang resolusyon ang Korte Suprema na tumatayong PET sa pamumuno ni Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen.

Itinakda rin sa nasabing panukala na kailangang maresolba ang election protest laban sa mga nanalong kongresista at local officials na kinuwestiyon ang kanilang pagkapanalo sa loob lamang ng 12 buwan o isang taon habang 6 na buwan lamang ang ibinigay sa election protest sa barangay officials.

“Let us put a time limitation to the resolution of protest. Many unscrupulous victors to defy the election code and resort to cheating because they know that protest take a long time before they are decided,” paliwanag ni Rodriguez sa kanyang panukala.

Bukod sa pagpapaiksi sa panahon ng resolusyon sa lahat ng mga election protest ay gagawing resonable ang protest fees na kinokolekta sa mga naghahain nito.

“Candidates found cheating to secure victory but are eventually ousted must be barred running again or holding any government post as punishment,” ayon pa sa panukala ni Rodriguez na ipinasa sa TWG para sa final draft.

Back to Blog