Saksi Ngayon – Nagsisi sa pagpili kay Cayetano ‘DAPAT SI MARCOS ANG VP KO’ – PDU30

By Saksi Ngayon

NAPUNO na ang salop, dahilan upang tuluyang madismaya at ilaglag ni Pangulong Rodrigo Duterte si Speaker Alan Peter Cayetano dahil maging ang badyet ng administrasyon para sa susunod na taon ay idinikit at inipit nito sa kagustuhang manatiling speaker ng Kamara de Representantes.

Lingid sa kaalaman ng publiko, bago magsimula ang kanyang biglaang press briefing noong Huwebes ng gabi, kinausap ni Duterte ang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) tungkol sa ginawa ni Cayetano sa P4.5 trilyong badyet na kailangan ng kanyang administrasyon sa 2021.

Sinabi ni Duterte na dismayado at nagsisisi siya sa pagpili kay Cayetano bilang bise presidente noong halalang 2016.

Binanggit din umano ng pangulo na dapat ay si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II na ang pinili niyang vice president (VP).

Nagpahiwatig din umano ang pangulo sa posibilidad na kailanganin niya ang tulong ng pulisya at militar para maresolba ang gusot sa Kamara na nakahahadlang sa pagpasa sa budget.

Binanggit umano ni Duterte na “he might need their help in making sure that government would not operate on a reenacted budget next year.”

Ang ibig sabihin ng “reenacted budget” ay katulad din ng badyet ngayong 2020 na P4.1 trilyon ang perang gagastusin ng administrasyong Duterte para sa susunod na taon.

Sa aktuwal na press briefing ni Duterte ay hayagang sinabi nito sa Kamara na pinamumunuan ni Cayetano na resolbahin nila ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco ang isyu sa pagiging speaker at ipasa ang pinaaaprubahan sa Kongreso na P4.5 trilyong badyet sa napagkaisahan nilang araw.

Idiniin ni Duterte na kapag hindi nangyari ang pakiusap niya ay siya mismo ang “magreresolba para sa kanila.”

Ang mga nabanggit ni Duterte, kabilang ang pagsasabing si Marcos dapat ang kanyang VP noong 2016, ay nakakonteksto sa labis na pagkabanas nito kay Cayetano.

Nitong Setyembre 29, nakipagpulong sina Cayetano at Velasco kay Duterte upang tuldukan ang isyu hinggil sa kasunduang “term – sharing” ng dalawa ukol sa speakership noong Hulyo 2019.

Ilang minuto pagkatapos ng usapan at pagkakasundo, naibalita sa media na Oktubre 14 ipapasa ni Cayetano ang trono ng Kamara kay Velasco ngunit hindi ito pinanindigan ng una.

Nagbitiw si Cayetano ngunit hindi tinanggap ng mayorya.

Gabi ng Setyembre 30, nagtungo sina Cayetano, asawa niyang si Ma. Laarni at kapatid na si Senadora Pia Cayetano kung saan kinulit na naman nila si Duterte na tuluyan nang ilaglag ang kasunduan noong Oktubre 14.

Pagkaraan nito, inilabas ng kampo ng kalaban ni Cayetano na mayorya ng mga kongresista ay pabor na maging speaker si Velasco sa Oktubre 14.

Ang bilang ay manggagaling sa Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban) kung saan kabilang si Velasco, 54 kongresistang kasapi ng samahan ng party-list lawmakers at Nationalist People’s Coalition (NPC).

Nitong Oktubre 6, naglabas ng mosyon si Cayetano na ipasa ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang badyet na inaprubahan ng mayorya.

Sinundan agad ito ni Cayetano ng mosyong nagsuspinde sa deliberasyon ng badyet kaya, ang balik ng mga kongresista ay sa Nobyembre 16.

Hindi ito nagustuhan ni Duterte.

Nitong Byernes, naglabas si Duterte ng Proclamation 1027 na nag-uutos sa Kamara na ipagpatuloy ang deliberasyon sa badyet mula Oktubre 13 hanggang 16 “to avoid any further delays on the prompt passage of the national budget in accordance with the Constitution and other applicable laws, rules and regulations.”

Matatandaan na agresibo si Cayetano na ialok ang sarili kay Duterte bilang bise presidente bago ang 2016 elections.

Nagpunta pa si Cayetano at asawang si Ma. Laarni na tumatakbong alkalde noon ng lungsod ng Taguig sa ikatlong pagkakataon.

Hanggang nasukol at napapayag ni Cayetano si Duterte na sila ang maging magkatambal laban sa iba pang mga kandidato. (NELSON S. BADILLA)

Back to Blog