Saksi Ngayon – Mosyon ni Marcos sinegundahan ng ‘Tribune of the People’ LEONEN PINAG-IINHIBIT NG OSG

By Saksi Ngayon

NELSON S. BADILLA

NAGHAIN ang Office of the Solicitor General (OSG) ng “omnibus motion” sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na humihiling ng kagyat na pagpapatanggal kay Associate Marvic Leonen sa patuloy na paghawak nito sa protestang elektoral ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban kay Bise Presidente Maria Leonor Robredo dahil ‘consistent’ ang mahistrado sa pagtuligsa at paglaban sa pamilya Marcos at mga kaibigan nito.

Inihayag ng OSG, sa pangunguna ni Solicitor General Jose Calida, ang paghahain nito ng “Omnibus Motion” ay pagtindig at pagkilos bilang “Tribune of the People”.

Ayon kay Calida, ang gawain, tungkulin at obligasyon ng OSG bilang Tribune of the People ay matagal nang kinilala, tinanggap at inilatag ng mismong Korte Suprema, sa pamamagitan ng desisyon nito sa kasong “Gonzales v. Hon. Chavez” noong 1992.

Idiniin ni Calida na ang mosyon ng OSG ay nakabigkis sa “best interest of the State and the People” na ang layunin ay alamin at tukuyin ang katotohanan hinggil sa asersyon ni Marcos na natalo siya sa halalan sa pagka-pangalawang pangulo noong 2016 dulot ng malawakang pandarayang naganap sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.

Ipinaliwanag ni Calida na isinampa ang mosyon ng OSG sa PET dahil “People deserves nothing less but the speedy resolution of the instant election protest because not only does it involve genuine public interest, the people must not be deprived of their right to know who is their real choice” hinggil sa kung sino ang tunay na pangalawang pangulo ng bansa.

Ang mosyon ng OSG ay nagpataob sa paniniwala ni Robredo na ginagamit ni Calida ang OSG pabor sa protestang elektoral ni Marcos.

Inihain ni Marcos ang kanyang protestang elektoral noong Hunyo June 29, 2016, higit isang buwan pagkatapos ng pambansa at lokal na mga eleksyon.

Si Associate Justice Leonen ay naging ponente ng kaso ni Marcos noong Oktubre 29, 2019 pagkatapos ibasura ng labindalawang mahistrado ang “hatol” ng orihinal na ponente na si Justice Alfredo Caguioa na tapusin na ang kaso.

Nagretiro si Caguiao noon ding Oktubre.

Sa 35-pahinang mosyon ng OSG, kinuwestyon ni Calida ang napakatagal na pagkaantala ng resolusyon ng PET.

Iginiit ni Calida na “justice delayed is justice denied, especially in an election protest. The long delay in the resolution thereof is anathema to democracy as it disregards the sanctity of votes and the popular choice of the people”.

“The People needs to know who the actual winner is in the vice-presidential race. It is unfair for the sitting Vice President to be accused of cheating, and equally unfair for the protestant to give him false hope in the guise of calculated yet very slow progress of the protest”, patuloy na paliwanag ng SolGen.

“Certainly, suffrage is the heart of democracy. In order to protect such primordial interest, the Tribunal must ensure the impartiality of the ponente of the instant protest. The people deserves (sic) nothing less,” diin niya.

Ipinaalala ni Calida sa PET ang Batas Pambansa Blg. 884 (BP 884) na nag-aatas sa PET, o sa “Tribunal”, na isang taon lamang binibigyan ng desisyon ang protestang elektoral matapos ang paghahain nito.

Batay sa B.P. 884, dapat nagpasya ang PET sa protesta ni Marcos noong Hunyo 29, 2017 kung saan kabilang ang “annulment of votes” sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.

Ang nag-iisang hiling ni Marcos ay pagpapawalang bisa sa mga boto at hindi ang “failure of elections”, pag-uulit at giit mismo ni Marcos sa ginanap nitong virtual press conference nitong Lunes.

Pinagtibay ng abogado at tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na hindi kailanman humiling ang dating senador sa PET na ideklara ang failure of elections sa tatlong lalawigan sa Mindanao.

Ayon kay Rodriguez, hindi tamang aksyong legal ang failure of elections dahil si Robredo ay iprinoklama ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Calida, kung ginamit ang Republic Act No. 1793, napakabagal na ng PET sa paglalalabas ng resolusyon nito dahil batay sa nasabing batas ay dapat naglabas na ito ng desisyon, dalawampung buwan matapos ihain ang protestang elektoral.

Ang pinakamasahol na nangyari habang si Leonen ang humahawak ng kaso ni Marcos ay inutusan nito ang Comelec at OSG na magkomento. “Comelec and the OSG to file Comment on the legal issues the Tribunal wants elaboration is unique as it expanded (vis-à-vis earlier directives) the issues and matters for discussion and, later, adjudication by the Tribunal,” banggit ni Calida sa mosyon ng OSG.

Napagtanto ng OSG na ang katotohanan kung sino ang nanalo sa pagkabise presidente sa pagitan nina Marcos at Robredo ay hindi malalaman at matutukoy sa nalalapit na panahon hanggang si Leonen ang “officer-in-charge” ng protestang elektoral.

Kaya, naghain ng omnibus motion ang OSG sa PET na humihiling na tanggalin na si Leonen sa paghawak ng kaso ni Marcos at i-raffle ito sa ibang mahistrado.

Inilatag ni Calida ang mga kongkretong batayan kung bakit inaasahang ibabasura ni Leonen ang kahilingan ni Marcos sa PET na ipawalang bisa ang mga boto sa tatlong lalawigan sa Mindanao.

Idiniin ni Calida na si Leonen ay sagad-saring anti-Marcos mula noon hanggang ngayon, batay sa ipinakikita at kanyang mga desisyon at hatol sa mga kasong may kinalaman sa mga Marcos mula

nang siya ay italagang mahistrado ni dating Pangulong Benigno Cojuangco Aquino III noong Nobyembre 29, 2012.

Ani Calida, sa kaso ng libing ni Pangulong Ferdinand E. Marcos sa “Libingan ng mga Bayani” ay tahasang tumutol si Leonen sa desisyon ng mayorya ng Korte Suprema, sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw at paglalatag ng litanya ng mga akusasyong iwinasiwas noon sa dating pinuno ng bansa.

Sa ginawa niya, isinama ni Leonen ang lahat ng miyembro ng pamilya Marcos at mga kaibigan nito bilang isang pangkat na kaaway ng publiko, sa halip na nagdiin ang nasabing mahistrado ng mga batayang legal, banggit pa ni Calida.

Back to Blog