Saksi Ngayon – LEONEN DAPAT MAG-INHIBIT SA KASO NI BBM PARA SA DELICADEZA

By Saksi Ngayon

KUNG PINAHAHALAGAHAN PA NI SUPREME COURT ASSOCIATE JUSTICE MARIO VICTOR LEONEN ANG DIGNIDAD NG ISANG MAHISTRADO NG HUDIKATURA, DAPAT AY MAGBITIW NA ITO BILANG PONENTE SA ELECTION PROTEST NI ­DATING SENADOR FERDINAND MARCOS II LABAN KAY VICE PRESIDENT MARIA LEONOR GERONA – ROBREDO.

At sa pamunuan ng Korte Suprema sa pangunguna ni Chief Justice Diosdado Peralta aba’y kailangan siguro na kumilos din ito dahil hindi lang ang dignidad ni Justice Leonen ang nakasalalay dito kundi kasama na ang HUDIKATURA!!

Kasi kung magpapatuloy sa kanyang katamaran itong si Justice Leonen aba’y tama nga po ang kasabihan sa legal circle na “Justice Delayed is Justice Denied”.

Sa palagay ko po naman sapat na ang mga katibayan na iprinisinta ng kampo ni Senador Bongbong upang mag-inhibit itong si Justice Leonen sa election protest laban kay VP Robredo.

At siguro naman ay sapat na din iyon upang mahiya itong si Justice Leonen at bitiwan na yung election protest ni BBM.

Dahil tama rin yung ­katuwiran ng Office of the ­Solicitor General sa kanilang ­pagsama sa panawagan ni BBM na ­dapat mag-inhibit itong si Justice Leonen dahil kailangan talagang malaman ng publiko o botante kung sino talaga ang nanalong Pangalawang Pangulo ng bansa sa halalan noong 2016 dahil sa karapatan ng mga botante na malaman ang katotohanan.

Ang hindi ko maintindihan sa Supreme Court ay kung bakit di nila kayang parusahan yung kanilang kapwa mahistrado dahil sa reklamo ng katamaran, gayung pinaparusahan ng hudikatura yung mga hukom na tatamad-tamad lalo ng yung maraming backlog of cases.

Kamakailan nga lang, isang mahistrado ng Court of Appeals yung pinarusahan ng Supreme Court dahil sa kaso ng backlog of cases kung saan pinatawan ito ng isang taon niyang suweldo na ­kabayaran bilang multa sa ­kanyang katamaran, dahil hindi nito natapos na madesisyunan ang mga kaso na hawak niya.

So ang tanong kay Chief ­Justice Peralta, pag Supreme Court Justice ba exempted sa parusa kahit ang kaso ay ­kahalintulad ng kanilang kinakastigo?

Pag ganoon po ang ginagawa ng Supreme Court sa pamumuno ni Chief Justice Peralta aba’y wala po kayong karapatan na parusahan yung mga Judges at Justices na nasa ilalim ninyo dahil sa hanay po ninyo sa Supreme Court ay nakikita rin ang katamaran.

Diba po may kasabihan tayong mga Pilipino na bago ka mamuna ng putik o dumi sa mukha ng iba ay manalamin ka muna?!

Oo nga po pala, sa pinakahuling impormasyon na nakalap ng inyong lingkod mula sa mapagkakatiwalaang source, nabigo pong maaksyunan ng Supreme Court sa kanilang En Banc ­Session noong Lunes ang Motion for Inhibition na isinampa nina dating Senador Marcos at ng Office of the Solicitor General laban kay Associate Justice Mario ­Victor Leonen. Ipinasama na lang ito ayon sa ating source sa Agenda ng susunod na en banc session ng mga Justices.

Kasabay nito’y muli namang ipina-alala ng Presidential ­Electoral Tribunal sa kampo ni BBM at Robredo na i-observed ang itinatadhana ng Sub Judice Rule na nauna ng inisyu ng ­Supreme Court na umuupong presidential electoral tribunal.

Back to Blog