Saksi Ngayon – Imee kinuwestyon ang Comelec BUDGET SA HYBRID ELECTIONS, DOBLE

By Saksi Ngayon

AABOT sa P24 bilyon ang kailangang budget upang maisulong ang panukalang hybrid elections para sa 2022.

Sa panukalang hybrid elections, magsasagawa ng manual counting sa mga munisipyo upang makita ng publiko ang aktwal na bilangan ng boto bago i-transmit sa pamamagitan ng computer ang resulta.

Sa pagdinig ng Senate Committee Electoral Reforms and People’s Participation sa pamumuno ni Senador Imee Marcos, pinatitiyak ng mga senador sa Commission on Elections (COMELEC) na nakapaloob na sa kanilang hinihinging budget para sa susunod na taon ang pondo para sa hybrid elections.

Nagpahayag naman ng pagtataka si Marcos kung bakit doble ang budget na kinakailangan sa hybrid elections kumpara sa kasalukuyang sistema ng halalan.

Ipinaliwanag ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na mas maraming equipment na kailangan sa hybrid elections partikular ang mga projector na gagamitin sa manual counting sa mga presinto.

Kung ang kasalukuyang sistema ang paiiralan, aabot lamang sa P12 bilyon ang pondong kailangan para lamang sa pagrefurbish at repair ng mga makina na ginamit sa nakaraang eleksyon gayundin sa pag-e-enhance ng software.

“Kapag nag-hybrid tayo mas maraming gamit na kailangan kaya compare to existing system, mas mahal po ang hybrid system,” saad ni Casquejo.

Sa pagdinig, iginiit din ni Marcos sa Comelec at sa bubuuing technical working group na pag-aralan na alisin na ang shading ng bilog na hugis itlog sa mga balota dahil marami rin ang nagkakamali rito.

“We were thinking na parang lotto na lang, isang linya na lang para wala nang mali-mali,” saad ni Marcos.

Sa panukala ni Marcos, sa halip na bilog, mas makabubuting gawing kahon ang ilagay sa tapat ng pangalan ng mga kandidato at guhit, check o ekis na lamang ang gawin sa pagboto.

Tiniyak ni Marcos na sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa July 27 ay maipiprisinta na nito ang committee report para sa panukalang Hybrid elections. (DANG SAMSON-GARCIA)

Back to Blog