Saksi Ngayon – HYBRID ELECTIONS, ‘DI ISUSUKO NI SEN. MARCOS

By Saksi Ngayon

HINDI susukuan ni Senador Imee Marcos ang pagsusulong ng hybrid elections kahit mistulang kapos na sa panahon upang maisakatuparan ito sa Presidential Elections sa 2022.

“Ako hindi ako sumusuko dahil gusto ko may pagbabago ang halalan,” diin ni Marcos.

Sinabi ng senador na sa tantya ng Commission on Elections upang tuluyang maipatupad ang isinusulong na pagbabago sa sistema ng halalan sa 2022, dapat pagsapit ng Enero 2021 ay mayroon nang batas para rito.

Sa panukala ni Marcos, magkakaroon ng manual na bilangan sa lebel ng bawat presinto na ihahambing din sa magiging resulta ng bilang ng Vote Counting Machine (VCM) at saka naman ita-transmit eletronically para sa kabuuang bilang.

“Ang Filipino gusto natin makita ang bilangan, yung tara-tara, eh ngayon parang sinusubo na lang sa machine ang balota di natin alam ang resulta,” paliwanag ng senador.

“Makikita ng mano-mano sa presinto para may ebidensya tapos may count sa machine tapos yun ang ita-transmit. Wala nang secret server. Wala nang transmission na magic magic, gagawin nating may e-signature bawat step of the way. Hindi naman completely manual kasi matatagalan naman tayo nyan,” diin pa nito.

Samantala, nais makita ni Marcos ang naging paggastos ng Comelec sa nakalaang pondo para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Eections na na-postpone.

“Actually hinahanap ko budget nila sa Barangay at SK elections, sabi ko may savings kayo kasi hindi naman natuloy. Eh nagamit daw ang iba sa registration, kung anu-ano sabi ko hanapin nyo ‘yan malaking gulo yan, naghahanap tayo ngayon,” diin ni Marcos. (DANG SAMSON-GARCIA)

Back to Blog