Saksi Ngayon – Gadon dismayado dahil isang taon bago umaksyon LEONEN PALITAN SA MARCOS PROTEST

By Saksi Ngayon

IMINUNGKAHI ni Atty. Larry Gadon ang pagtanggal kay Associate Justice Marvic Leonen sa electoral protest ni dating Senador Ferdinand Marcos II laban kay Bise Presidente Maria Leonor Robredo.

Sinasabi ni Gadon na matibay na batayan laban kay Leonen ang halos isang taong pagiging ponente nito sa protestang elektoral ni Marcos.

Ani Gadon, dapat nang palitan si Leonen bilang ponente sa kaso ni Marcos dahil masyadong matagal na ang halos isang taon sa kanyang tanggapan bago ito umaksyon.

Batay sa rekord ng Korte Suprema bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), inihain ni Marcos ang kanyang protesta laban kay Robredo noong Hunyo 29, 2016.

Kaya, apat na taon at mahigit tatlong buwan na ang protestang elektoral ni Marcos o BBM laban kay Robredo na isinampa sa PET.

Dahil dito, nakaladkad at nadamay ang PET sa makupad na pagkilos ni Leonen sa protesta ni Marcos.

Inamin ni Gadon na nagtataka siya dahil nito lang Setyembre 29 naglabas ng desisyon si Leonen mula nang mapunta ang kaso sa kanya noong Oktubre ng nakalipas na taon.

Sa protesta ni Marcos, binigyang diin nito na malawakan ang dayaan sa eleksyon sa pagka-pangalawang pangulo noong Mayo 2016.

Tumakbo ang kaso hanggang noong Oktubre 2019 kung saan lumabas sa aksyon ng PET na lamang si Robredo sa bilangan sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Occidental – ang tatlong “pilot provinces” ng bilangan.

Ngunit, hindi “opisyal” na idineklara ng PET na si Robredo ang “totoong” nanalo sa halalan.

Sa halip, nagdesisyon ang PET na ibasura ang kahilingan ni Robredo na tapusin ang protesta ni Marcos at ibasura rin ang desisyong ipinonente ni Justice Alfredo Benjamin Caguiao na tuluyang tuldukan ang electoral protest ni Marcos batay sa tatlong lalawigan.

Labing isang mahistrado ang bumoto laban sa mosyon ni Robredo at ponente ni Caguiao, samantalang dalawa (Caguiao at dating Senior Associate Justice Antonio Carpio) lamang ang sumang-ayon dito.

Hiniling ni Marcos sa PET na ituloy ang kanyang protesta gamit ang “third cause” kung saan idiniin niyang malaganap ang pandaraya ng kampo ni Robredo sa Lanao del Sur, Maguindanao at Basilan.

Noong Oktubre 29, 2019, napalitan ni Leonen si Caguiao bilang bagong ponente.

Dahil dito, sinang-ayunan ng PET ang rekomendasyon ni Leonen noong Oktubre 15 (hindi pa siya ang ponente nang ilabas niya ang kanyang rekomendasyon) na ang nilalaman ay hingan ng komentaryo, o “memoranda,” ang kampo nina Marcos at Robredo hinggil sa nasabing kaso.

Ipinasa ng dalawa ang kani-kanilang komentaryo noong Enero ng taong kasalukuyan.

Nitong Setyembre 29 ay inilabas ni AJ Leonen ang kanyang ponente na nag-uutos sa Comelec at Office of the Solicitor General (OSG) na magkomento para sa Lanao del Sur, Maguindanao at Basilan.

Hiningan din ni Leonen ang Comelec ng pananaw nito kung binibigyan ng karapatan ng Konstitusyon ang PET na magpasya hinggil sa kasong eleksyon sa Mindanao.

Pinakomentaryohan din ni Leonen sa Comelec kung ‘maaagawan’ ito ng PET kung magpapasya ito hinggil sa usaping halalan sa Mindanao.

Ang pagpasa ni Leonen sa Comelec at OSG sa naturang protesta ni Marcos ay pinaboran ng labing isang mahistrado.

“Welcome” naman sa kampo ni BBM ang desisyon ng PET, banggit ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita at abogado ni Marcos sa kaso.

Ani Rodriguez: “We welcome this latest assertion by the Tribunal on the validity of our second cause of action calling for the annulment of the election results in Lanao del Sur, Basilan and Maguindanao as separate and distinct from the manual recount and judicial revision.”

Idiniin din ni Rodriguez na: “Notwithstanding such affirmation, we view with extreme reservation the route chosen by the justice in charge. Instead of directly proceeding with the technical examination and forensic

investigation he lamentably added another layer that would cause tremendous delay in referring the matter to the Office of the Solicitor General and the Comelec to file their respective Comment.”

“Considering the very thin time left in the term of the contested position, our protest is under real threat of becoming moot and academic by events leading to 2022 such as the filing of candidacy, campaign and national

election that would reduce the clamor and right of the people to know who really won the vice presidency illusory,” patuloy ni Rodriguez. (NELSON S. BADILLA)

Back to Blog