Saksi Ngayon – Diskwalipikasyon ng Marikina solon matagal na pinatulog LEONEN SWAK SA QUIMBO QUO WARRANTO

By Saksi Ngayon

NELSON S. BADILLA

ANG protestang elektoral laban kay Marikina City Representative Stella Luz Quimbo ay maituturing na isa sa mga “malaking” isyu na maaaring maging batayan sa pagdududa sa kredibilidad ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen dahil kasapi ng Liberal Party (LP) ang inireklamong mambabatas.

Ang malaking kahalagahan ng kaso ni Quimbo sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) ay kasing halaga ng protestang elektoral ni dating Senador Ferdinand “Bongbong’ Marcos Jr. laban kay Bise Presidente Maria Leonor Robredo dahil ang huli ang kandidato ng LP sa pagkapangalawang pangulo noong eleksyong 2016.

Si Robredo ang kasalukuyang chairperson ng LP mula nang maging bise presidente ito.

Naghain ng protesta si Marcos sa Presidential Electoral Tribunal (PET) noong Hunyo 29, 2016 patungkol sa pinaniniwalaan nitong malawakang pandaraya ng kampo ni Robredo.

Si Leonen ay naging ponente ng protestang elektoral ni Marcos noong Oktubre 2019.

Nobyembre 29, 2012, itinalaga si Leonen sa Korte Suprema ng noo’y Pangulong Benigno Cojuangco Aquino III.

Nagsilbi si Leonen ng humigit-kumulang dalawang taon sa administrasyong Aquino bilang pangunahing negosyador sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) bago siya inilagay sa mataas na korte.

Naghain ng quo warranto si dating ABS party-list Rep. Eugene de Vera sa HRET laban kay Quimbo dahil tumakbo ang huli sa pagkakongresista noong halalang 2019 matapos magbitiw sa pagiging commissioner ng Philippine Competition Commission (PCC).

Iginiit ni De Vera na paglabag sa batas sa eleksyon ang ginawa ni Quimbo.

Lubos na naniniwala si De Vera na hindi dapat tumagal ng anim na buwan ang kanyang kaso, lalo na isang taon, para magpasya ang HRET.

Si Leonen ay inihalal ng Supreme Court en banc upang pamunuan ang HRET simula noong Oktubre, 2019.

Simula noon, hindi kumilos si Leonen upang magpasya at tapusin ng HRET ang protestang elektoral ni Quimbo at 33 iba pa hanggang ngayong Nobyembre 2020.

Sa Oktubre 2021, ika-2 taon ng pagiging pinuno ni Leonen sa HRET, ay simula na ng paghahain ng mga politiko ng certificates of candidacies (COCs) para sa halalang 2022.

Idiniin ni Edwin Cordevilla, pangkalahatang – kalihim ng Filipino League of Advocates for Good Governance – Maharlika (FLAG – Maharlika), sa kanyang isinampang impeachment charges sa Kamara de Representantes nitong Nobyembre 7 na “hindi man lang umusad kahit isang pulgada” ang 34 protestang elektoral na nakapila sa HRET na pinamumunuan ni Leonen.

“The remaining pending cases of respondent (Leonen) involves a member of the Liberal Party, which, as we all know, is the political party of former president Aquino….”, birada ni Cordevilla.

Ayon sa opisyal ng FLAG-Maharlika, ang iba pang batayan ng paglabag sa Konstitusyong 1987 ay ang 82 kasong nakaimbak sa tanggapan ni Leonen.

Isa rito ang kasong “Julie Parcon Song versus Lilia Parson” na napunta kay Leonen noong Enero 13, 2013.

Naninindigan si Cordevilla na si Leonen ay nakagawa ng “culpable violation of the Constitution and betrayal of public trust”.

Ayon kay Cordevilla, nagpasya siyang lumantad at maghain ng kaso laban kay Associate Justice Leonen dahil “based on my readings and appreciation of available documents, I’ve arrived at the conclusion that Associate Justice Marvic Leonen doesn’t deserve to stay even a day more as a magistrate of the high court. He is shamelessly the very destruction of justice in the judiciary”.

Back to Blog