Saksi Ngayon – Annulment of elections hindi failure of elections ang hirit ni Marcos ROBREDO, LP NILILINLANG ANG TAUMBAYAN

By Saksi Ngayon

NELSON S. BADILLA

TAHASANG binatikos ng kampo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II si Bise Presidente Maria Leonor Robredo dahil sa mali-maling pahayag nito hinggil sa ‘papel’ ng Office of the Solicitor General (OSG) sa protestang elektoral laban sa kanyang umano’y malawakang pandaraya noong halalang 2016.

Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, abogado at tagapagsalita ni Marcos, “annulment of elections at hindi failure of elections ang hiniling ni Marcos” laban kay Robredo sa Korte Suprema bilang Presidential Electoral Tribunal (PET).

“BBM never asked for a declaration of failure of elections kasi meron nang proclaimed candidate. Hindi na ‘yan ang tamang relief under our laws,” paliwanag ni Rodriguez.

Ito ang birada ng kampo ni Marcos sa paliwanag ni Robredo sa Teleradyo ng ABS-CBN Kapamilya Channel at Rappler news online platform kamakalawa.

Ayon kay Robredo, nakasaad sa komentaryo ng Commission on Elections (Comelec) na hindi puwedeng magdeklara ng “failure of elections” ang PET sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.

Tama ang pahayag na ‘yan, ngunit hindi ‘yan ang aksyong hiniling ni BBM sa PET, kundi annulment of elections, paglilinaw ni Rodriguez.

“Nililinlang ni Leni at ng LP (Liberal Party) ang taumbayan dahil talo sila sa Comelec at OSG comment na nagsasabing may jurisdiction at sole authority ang PET na dinggin ang third cause of action sa election protest ni Marcos,” ratsada ni Rodriguez.

Nabira rin ang akusasyon ni Robredo na ginamit ni Solicitor General Jose Calida ang OSG nang idiniin nitong “sole judge” ang PET sa protestang elektoral sa puwesto ng pangulo at pangalawang pangulo ng bansa batay sa itinakda at ipinag-utos ng Konstitusyon.

Ani Rodriguez, naglabas ng komento ang OSG na nilagdaan ni Calida at ng iba pang kasamahan nito sa OSG bilang pagtugon sa utos ni Associate Justice Marvic Leonen na maglabas ito ng komento kaugnay sa protesta ni Marcos.

Inatasan din ni Leonen ang Comelec na maglabas ng posisyon sa parehong usapin.

Kung tutuusin, hindi pabor ang kampo ni Marcos na kinuha pa ni Leonen ang posisyon ng OSG at Comelec dahil lalo lamang nitong pinabagal ang takbo ng protesta ng una.

Ngunit, tinanggap ito ni Marcos bilang paggalang at pagsunod sa PET at kay Leonen bilang ponente ng kaso.

Noong Hunyo 2016 pa naghain ng protestang elektoral si Marcos sa Korte Suprema laban sa malawakang pandaraya ng kampo ni Robredo sa eleksyon.

Noong Oktubre 2019, naging ponente si Leonen makaraang mabasura ang ponente ni Justice Alfredo Caguiao.

Bilang ponente ng kaso ni Marcos, alam ni Leonen na mismong Konstitusyon ang nagsasabing tanging Korte Suprema, o PET, ang nag-iisang korte sa bansa na mayroong kapangyarihan at nakasasakop sa protestang elektoral sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo ng Pilipinas.

Sabi pa nga ng OSG, nakasaad sa PET Rules na inilabas noong 2010 ang solong papel, tungkulin at obligasyon nito sa protestang elektoral ng dalawang pnakamataas na posisyon sa bansa.

Ipinaalala rin ng OSG na mismong si Associate Justice Leonen ay alam na alam ang papel, tungkulin at obligasyon ng PET dahil ipinaliwanag niya ito sa kanyang hiwalay na opinyon sa kasong “Rivera v. Comelec”.

Back to Blog