Sa Mahal ng Bilihin, Hindi na Nakakabuhay ang SSS Pension

Kung ang mga trabahador ay hikahos sa buhay kahit na may araw-araw silang suweldo, paano pa kaya ang mga retirado nang obrero? Kahit na nga ang mga miyembro ng Social Security System ay may tinatanggap na pensyon, gaano na lang ‘yun? Sa taas ng mga bilihin ngayon, walang pupuntahan ang kakarampot na pensiyon.

Kung tutuusin, kontribusyon ng mga miyembro ang sumasampang pera sa SSS, at siyempre, may kontribusyon din ang mga may-ari ng pagawaan at mga kumpanya.

Gayunman, ang SSS ay itinatatag hindi para sa mga employer kundi para sa mga nagtatrabaho. Para ‘pag sumapit na sila sa edad na puwede nang magretiro, mapapakinabangan nila ang kanilang ihinulog sa SSS sa kanilang pagtanda.

Pero, ‘yun na nga, kakarampot ang pensiyon. Hindi kasyang pambili ng gamot sa high blood at rayuma, o pampagawa ng salamin para sa mga lumalabong mata.

Kaya ipinanukala sa Senado na itaas ang pensiyon ng SSS pensioners. Ang Senate Bill No. 15 na naglalayong itaas sa P3,000 ang minimum SSS pension kada buwan.

At hindi lang ‘yan. Kasama rito na dagdagan ng P500 ang buwanang pensyon kada taon hanggang sa umabot ito sa P5,000 monthly. At ito ay sakop ang lahat ng pensyunado ng SSS kahit na kailan pa sila nagretiro.

Matagal ko na itong ipinanukala at maumpisahan na sana upang mapakinabangan ngayon taon. Sa katunayan, matagal na ito ngunit, sa kasamaang-palad, nakabimbin pa rin.

Kung tutuusin, hindi naman masasabing “rebolusyunaryong” panukala ito dahil amyenda lamang ito sa Social Security Act of 1997. Hindi rin natin nakikitang mag-aalburoto ang mga kumpanya dahil hindi naman manggagaling sa kanila ang perang idaragdag sa pensiyon kundi sa kaban ng SSS.

Pangalawa, mismong gobyerno ang nagsasabi na dapat sapat ang social security ng mamamayan. Ito raw ay isa sa mga prinsipyo ng pamahalaan. Ito daw ang kongkretong patunay ng social justice.

Kung ganu’n, dapat ang gobyerno mismo ang siyang magtulak nito para maipasa agad. Ang Ehekutibo ang magpursigi sa Lehislatura para paspasan ang pagpasa nito.

Walang palya at hindi naiiwasan ng mga manggagawa ang maghulog sa SSS. Kinakaltas kasi agad ito sa kanilang sahod. Hindi man nila aminin, mabigat sa loob nila nakakaltasan pa maliliit nilang sahod.

Sana maipasa na agad ang ating panukala na itaas ang buwanang tinatanggap ng SSS pensioners. Para hindi na sila nakasimangot kapag dumarating ang kanilang mga tseke.

This article was published in Bulgar on 27 November 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog