Remate – ‘This nation can be great again’—Marcos Jr.

By Gwenn | Remate

remate“THIS nation can be great again. Sa gitna ng mga kahihiyan at mga pagdarahop, tulong-tulong po tayong ibangon muli ang ating Inang Bayan.”

Ito ang mga huling kataga sa mensahe ng panauhing pandangal na si Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-114 anibersaryo ng ‘Battle of Pinaglabanan’ sa San Juan del Monte na ngayo’y lungsod ng San Juan sa Metro Manila.

Pansamantalang napatigil sa pagsasalita ang bagitong senador nang biglang mangibabaw ang masigabong palakpakan matapos na sambitin ang naturang mga kataga. Tila natatandaan pa ng mga matatandang residente at empleyado ng lungsod ang paboritong linyang walang sawang sinasabi ni dating Pangulong Marcos Sr.

“Parang nabuhay si Apo. Sa boses at hitsura halos magkapareho,” ayon sa ilang matatandang residente dito na sumaksi sa pagtatalumpati ng senador. “Siya pala yung Bongbong na anak ni Makoy.”

Hindi man lahat ay nakapasok sa bakuran ng Pinaglabanan Shrine, nagkasya na lamang ang mga disiplinadong residente na manood sa labas ng gate. Walang nagtulukan, walang sumigaw kundi tahimik na nakinig sa mensahe ng mambabatas.
Sa unang bahagi ng talumpati, binalikan nito ang kasaysayan kung paanong dumanak ang dugo ng ating mga bayani laban sa mga Espanyol sa lugar na mismong pinagdausan ng selebrasyon eksaktong labing-isang dekada.

“Paggunita sa nakaraan, inspirasyon sa kabataan.” Ito ang tema ng pagdiriwang kasabay ang paghamon ni Sen. Marcos sa sambayanan lalo na sa mga kabataan na ituloy ang laban ng ating mga katipunero sa patuloy na digmaan laban sa kahirapan, pang-aapi sa mga ordinaryong manggagawang Pilipino at pagpapanatili sa proseso ng demokratikong pamamaraan.
“Maaaring sa pagdating ng panahonay mabura na rin sa alaala ang kabayanihan ng ating mga katipunero. Pero tayong mga nabubuhay ngayon ay may obligasyong ituloy ang kanilang sagradong adhikain.”

“Nasa mga kamay natin ngayon kung makakamit pa ang katuparan ng kanilang mga pangarap…upang hindi masayang ang pag-aalay ng kanilang buhay alang-alang sa minamahal nating bansa. At sa tulong nga ting dakilang lumikha…sana’y muling maging dakila ang ating Republika,” bahagi ng nasabing talumpati.

Pinangunahan ni Sen. Marcos ang pag-aalay ng bulaklak sa Pinaglabanan Shrine kasama sina San Juan City Mayor Guia Gomez, San Juan City Rep. JV Ejercito at mga opisyyal ng lungsod hanggang sa mga barangay.

Bahagi ng programa ang pagsasadula ng naganap na himagsikan sa pangunguna ng mga mag-aaral mula sa Pinaglabanan Elem. School at San Juan City National High School.

Back to Blog