Remate Online – PET walang kapangyarihang mag-atas ng special elections

By Remate Online

Manila, Philippines – Walang kapangyarihan ang Presidential Electoral Tribunal (PET) na mag-utos ng special elections kaugnay sa election protest ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laban kay Vice President Leni Robredo.

Sa 38-pahinang komento ni Solicitor General Jose Calida, Binanggit dito na sa ilalim ng Article VII section 4 ng Saligang Batas na ang Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal o PET ay ang “sole judge” ng lahat ng mga protesta na may kinalaman sa eleksyon, returns at kwalipikasyon ng presidente at bise presidente.

Dagdag pa ng OSG, ang PET ang may kapangyarihan na magdeklara ng annulment o failure of elections nang walang paglabag sa otoridad ng Commission on Elections o COMELEC.

Pero, sinabi ng OSG na hindi uubrang i-utos ng PET ang pagsasagawa ng special elections dahil wala ito sa Konstitusyon.

Ibig sabihin, ang COMELEC lamang ang may kapangyarihan na magsagawa ng special elections sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Ipinunto pa ng OSG na election protest ni Marcos laban kay Robredo, bagama’t ang mga boto sa Maguindanao, Lanao del Sur at Basilan ay idineklarang “null and void”, wala namang “failure to elect.”

Ang poll protest ni Marcos laban kay Robredo ay nananatiling nakabinbin sa PET mula nang ihain ito noon June 2016. Teresa Tavares

Back to Blog