Radyo Inquirer Forum

Q: Maraming nagtatanong na mga barangay workers, mga senior citizen. Senator, kung magiging bise presidente na kayo, anong gagawin niyo sa mga barangay health workers at sa mga barangay officials in terms of compensation and security of tenure?

BBM: Hindi na natin hihintayin na matapos ang halalan. Nung ako’y naging senador, pinilit ko na ako ang maging chairman ng committee ng local government sa senado. At tinanong sa akin “Bakit iyan ang gusto mo? Bakit hindi iba na lang?” Eh ka ko sa kanila diyan kayo nagkakamali. Kaya nagkakamali kayo dahil ginagawa niyong minor ang local government. Ako bilang naging isang gobernador ng siyam na taon, alam na alam ko ang halaga ng ating mga local government executives, ang ating mga barangay officials at angating barangay workers. Lahat po iyan kaya pinili ko *crowd applauses* Sinabi ko na ako ang magiging boses ng mga local government sa Senado at sa ganung paraan ay pinapaliwanag ko na ang halaga sa ating mga opisyal, sa ating mga kasama sa Senado, sa mga iba’t-ibang nakakausap ay aking parating pinapaliwanag na palagay ko na dapat ninyong pakinggan ng mabuti ang ating barangay officials. Sila ang nakakaalam ng pangangailangan kung ano ang pagkakaabalahang serbisyong binibigay. At kahit gaano kaganda ang gagawin ng national government para sa taong bayan, kahit gaano kaganda ang programa, kahit gaano kaganda ang proyekto, kung wala ang ating local government officials, kung wala ang ating barangay workers, ay palagay ko hindi makakagawa ng mabuti.

Sa ating mga barangay officials, ang ating ginawa ay pinag-aralan ng mabuti. Nag file ang ating mga kaibigan na congressman ng isang bill sa kongreso para sa postponement ng halalan ng mga barangay officials dahil pinag-aaralan namin ang mga bagong proposal ng liga ng mga barangay para sa bagong five-year term at tatlong term limits.

Mayroon akong ginagawang isang bill na tinatawag na Barangay Retirement Benefits Bill. Ibig sabihin magbibigay tayo ng benepisyo pag nagretire isang barangay worker at ito ang kaunting suporta at kaunting pagkilala para sa ating mga barangay workers dahil ang ginawa po namin doon sa 1% share ng national government, ito’y katumbas ng 5.3 billion. Itong pera na ‘to gagamitin natin, bigyan natin ng three thirds ang barangay official na magreretire na ay mabibigyan po natin ng mahigit kumulang isaang daang libong piso para sa kanilang retirement. Pero hindi lamang ang elected officials. Kasama din po diyan ang mga daycare worker. Kasama din po diyan ang ating mga kasamahan sa barangay. Suportahan ninyo ang Barangay Retirement Benefits Bill.

Iyan po ang aking ginagampanan sa Senado maging nung nasa Congress ako na maging malakas ang boses ng local government. Sa aking pananaw, kailangan ang ating barangay workers ay makilala na kahit sila ay volunteers, eh lagi ko ding pinapaliwanag alam niyo ang mga barangay workers at local government executives walang oras iyan, walang gabi, walang araw…kaya kailangan kilalanin ang kanilang pagsasakripisyo.

Kaya asahan po ninyo kapag ako ang maging bise presidente, kapag ako ay napunta sa ibang posisyon, asahan po ninyo ako ay lumaki sa local government at kinikilala ko kung ano ang aking ginawa bilang gobernador na magbigay ng serbisyo sa bayan. Kung wala kayo mga barangay workers, kung wala kayo mga barangay officials, kung hindi sa inyo, hindi makukumpleto ang trabaho ng ating gobyerno. Kailangan bigyan suporta ang ating local government. Iyan po asahan ninyo.

Q: Sen. Bongbong, ano po ang maaasahan ng mga senior citizen sa inyo bilang pangalawang pangulo?

BBM: Saan ang mga senior citizen? Wala naman kayong senior citizen eh. Puro teenager kayo. *crowd laughs* Alam ninyo malaki ang pagkukulang ng pamahalaan. Yung dapat naisabatas hindi naibigay. Matagal na nating tinatanong sa administrasyon saan baa ng mga benepisyo para sa mga senior citizen.

Kasama na din diyan yung mga benepisyo na malaki, sa pensiyonado yung 2000 pesos na karagdagan. Iyan po matagal na nating pinaglalaban. Alam niyo po sa aking pananaw, ito po ang kailangan nating balikan sa ating mga Pilipino ang ating respeto sa mga nakatatanda sa atin. Hindi po tayo kagaya sa mga Amerikano na tinatabi na lang ang kanilang mga senior citizen. Tayo po malaki para sa atin, malaki ang respeto natin sa ating mga senior citizen at dapat nating ipakita iyan hindi lamang sa respeto bilang isang anak o bilang isang apo kung hindi bilang isang pamahalaan na inaalala ng mabuti ang ating mga senior citizen. Dahil unang-una ang senior citizen ay habang buhay nagtrabaho at malaki ang kontribusyon sa ating lipunan sa ating mamamayan. At pangalawa, an gating mga senior citizen ay tukuyan pa din nagseserbisyo dahil sila’y retirado na. Kaya lahat ng benepisyo ng batas para sa ating mga senior citizen dapat sa palagy ko ma implementa na.

Kapag ako’y nahalal bilang bise presidente, isa ito sa mga aking gagawin na tiyakin na kailangan ang mga benepisyo na kailangan iparating sa ating mga senior citizen ay kumpleto, hindi lamang porsiyento ang binibigay, hindi lang diskwento, kung hindi kumpletong benepisyo *crowd applauses*

Q: Ano ang mga nagawa niyo sa Ilocos Norte na pwedeng gawin sa buong bayan?

BBM: Ang masasabi ko nung una ako’y naging gobernador, ang aking inuna ay dalawang bagay: dahil tiningnan ko kung saan naghahanap buhayang taong bayan. 76% ng Ilocos Norte ay nagtratrabaho sa agrikultura. Kaya iyan ang una nating pinagtibay. At sa larangan ng agrikultura, ang ating inuna ay tubig. Pangalawa, pautang. Pangatlo research and development sa bagong varieties. Pang-apat information para sa mga magsasaka kung ano ang kanilang tinatanim para mabenta. At ito po ang aking ginawa: ang aming ginawa ay nagtayo ng isang fund. Iyang fund na iyan ginamit para sa ayuda, para sa abono, para sa mga pesticides at sa mga seedling. At sa ganitong paraan, nung nagsimula kami nung ako’y gobernador, ang supply namin ng aming pagkain ay nag-iimport pa kami 76% ang iniimport namin.

Nung ako’y umalis bilang gobernador, ang aming ani ay 300% na. Ibig sabihin niyan nag-eexport na kami ng palay, nag-eexport na kami ng mais. Ito ay dahil sa pag unawa na ang agrikultura ay hindi lamang sa pagtanim kung hindi sa pag suporta ng ating mga magsasaka. Suporta sa pagandahin ang tubig, palawakin ang pautang, at lahat ng technical support, pati mga technical demonstration.

At naisip ko para mas lumaki pa ang kita, ang dapat bigyan natin ng pansin ay ang turismo. Napakaganda naman ng Pilipinas. Palagay ko maimplementa ito sa lahat ng buong Pilipinas. Ang aming ginawa tiningnan namin, sino baa ng mga magiging tourist? Sino baa ng pwede nating papuntahin sa Ilocos Norte? Ang nakita ko po roon ay Chinese dahil yumayaman ang mga Chinese at dahan-dahan sila’y bumabiyahe, mga turista. Sabi ko marami naman tayong kaibigan sa Tsina. May panahon, mga 2003, 2004, lahat ng turista na galing sa China ay pumupunta sa Ilocos Norte. Ngayon, dumami na at mabuti naman na sa ibang lugar ng Pilipinas ay pumupunta na. Sa ngayon, ang tourism namin ay lumago na ng ngusto, hindi lamang ang international, pati na ang domestic tourism. Ang turista sa Ilocos Norte ay palapit na, kaunti na lang, magiging isang milyon bawat taon.

Ang isa pang bagay na aming pinagmamalaki ay nagsimula tayo ng alternative energy sa buong South East Asia. Nakapagtayo kami nung wind farm, yung mga windmill para kumuha ng kuryente sa hangin. Yung ginawa na wind farm sa Ilocos Norte ay ang pinakaunang commercial wind farm sa buong South East Asia. At ito ang nagsimula sa green energy dito sa Pilipinas. Ngayon, ipinagpatuloy na ng aking kapatid si Gov. Imee, siya ang governor ngayon ng Ilocos Norte, ipinapatuloy nila ang solar na, may hydro na. Ipinagpatuloy namin ang state of the art alternative energy,

Ito po ay maari naming gawin sa buong Pilipinas at sa palagay ko po ito’y malaking maitutulong sa malaking problema na hinaharap natin sa buong Pilipinas na mahal na kuryente at ang problema ng brownout. Ito po ang mga basics na aming ginawa at lahat ito ay maaaring gawin, hindi lamang sa Ilocos Norte, maari ding gawin salahat ng iba’t-ibang lugar sa Pilipinas. Iyan po ay sa palagay ko ang tatlong pinakamalking proyekto na may impact, hindi lamang sa Ilocos Norte, may impact pati sa buong bansa. Kaya ito po sa aking palagay ang patuloy pagaralan ng mabuti dahil ito po ay sumasabay sa available na power supply. Kaya ito po sa aking palagay kung bakit ang Ilocos Norte ay nagbago. Dati, hindi masyadong naririnig, hindi masyadong napupuntahan. Ngayon, isang tourist destination, siya ngayon ang agricultural exporter, Ilocos Norte pa rin ang nangunguna sa lahat ng alternative energy, hindi lang sa Pilipinas, kundi sa buong South East Asia.

Q: Nandito po tayo sa “Aquino Country”. Ngayon, sinusulong niyo po ang national unity sa buong bansa. Since nandito po kayo sa tinatawag na “Aquino Country”, may maasahan ba kayo na siguradong suporta sa mga taga Tarlac province?

BBM: Palagay ko, malakas ang suporta ko dito sa Tarlac palagay ko intense ito. Maraming salamat. Marami po tayong mga kaibigan dito sa Tarlac at tumutulong at sumusuporta na kaalyado. At sa palagay ko ay hindi na natin isipin na ito ay Aquino Country o ito ay Marcos Country. Alam niyo po, lahat po tayo ay Pilipino. Ang aking sinasabi na kahit tayo’y taga Luzon, Bisaya, Waray, Muslim, Kristiyano, lahat po tayo ay iba’t-ibang pinaggalingan. Ngunit ang puno’t dulo nitong lahat ay tayo’y Pilipino. Kaya dapat nating aalahanin na ang Pilipino lang ang magmamahal sa kanyang kapwa Pilipino. Ang Pilipino lamang tutulong sa Pilipinas.

Kaya ko binibigkas ang aking mensahe ng pagkakaisa dahil po sa pamumulitika, tayo’y pinaghahati-hati. Ngunit, kung pinagsama-sama po natin ang lahat ng galing, lahat ng sipag, lahat ng kaalaman, kakayahan, ng bawat Pilipino, mararamdaman po natin ang pagbabago, mararamdaman po natin ang pagkakaroon ng maganda at maliwanag na kinabukasan. May pag-asa ang ating kabataan, may mas magandang buhay pagka sila na ang naghahanap buhay pag sila na ang nagsusuporta ng kanilang pamilya. Iyan po ang ating hangarin na tumulong sa taong bayan.

Ang politika ay kailangan para makapili ng ating mga magiging lider. Ngunit, pagka naproklama na, kapag nalaman na natin sino ang nakaupo sa mga mataas na posisyon, dapat po isantabi na natin ang politika at isa lang ang isipin natin: balikan po natin ang ating sinumpa bilang lingkod bayan, ang sinumpa natin na wala tayong ibang gagawin kung hindi magtrabaho, magsakripisyo, mag-isip ng lahat ng pamamaraan para pagandahin ang buhay ng bawat mamamayang Pilipino.

Q: Magandang nagawa po ni Pangulong Benigno Aquino. Mayroon po ba tayong…

BBM: Palagay ko centerpiece niya yung anti-corruption. Ang korapsyon ay matagal na nating naging problema. Napakalaki ang nawawala sa loob ng gobyerno. At mabuti naman at nailagay na bilang pundasyon ang sinasabing anti-corruption drive. Marami pang kailangan gawin. Marami pang kailangan ayusin at kailangan pa itong paabutin sa lahat ng bahagi ng pamahalaan at pati sa pribadong sektor mayroon pa rin tayong nakikitang mga kaso. Kaya kailangan lang para siguro pagandahin ang anti-corruption drive ay maging pantay-pantay ang trato sa kahit man sino ang nasangkot o kasama sa katiwalian sa pamahalaan. Dapat minsan kung nasususpetyahan kung kaalyado, hindi nagkakaproblema. Pero pagka kalaban sa politika, yun ang kinakasuhan. Dapat mawala na ang ganyang klaseng pag-iisip sa taong bayan at maliwanag na ipakita na kahit sino man ay kasama kahit kaibigan, kahit kalaban, pantay-pantay ang pag trato kung sila man ay masangkot at makita na kasabwat sa katiwalian kahit na sa pribadong sektor, kahit sa pamahalaan.

Q: Okay, may tanong akong diretso po, Senator. Bakit kayo iboboto ng tao? Anong pinagkaiba ninyo sa ibang kandidato, sir, sa pagka bise presidente?

BBM: Ako’y nagsimula bilang vice governor. Naging governor ako. Naging congressman ako. Naging governor ulit ako. Naging senator na ako. Kaya ang departamento na hindi ko nadaanan ay ang judiciary. Hindi naman ako abogado pero sa palagay ko mapapakita ko mahaba ang track record ko. Nagsimula ako nung ako’y 23 years old pa lang. Ako’y naging vice governor na. Kaya naman po makikita niyo na nandito ako at naninilbihan sa serbisyo publiko.

Pangalawa, ang aking nakikita sa mga problema na hinaharap ng ating bayan ay ang problemang dikit sa sikmura. Ibig sabihin lalong pagandahin ang ekonomiya. Kaya madali para sa akin na tumakbo ulit para senador pero ang sinabi ko sa palagay ko maganda na ang naging trabaho ng mga legislator, ang ating mga kongresista at mga senador. Sa aking palagay, sapat na ang batas para sa mga iba’t-ibang isyu na hinaharap ng taong bayan. Ngunit, nagkukulang tayo sa implementasyon doon sa mga batas na iyan. Kaya inisip ko na bumalik sa executive para makatulong diyan sa ating mga problemang hinaharap na pag implement ng mga batas. Halimbawa, yung ating mga senior citizen. Nasabatas na kung anong benepisyo ang kanilang dapat tanggapin. Ngunit, hindi nabibigay ng pamahalaan.

Kaya sa aking pagalay, ang pagbalik ko sa executive ay para makatulong gawin ang lahat para yung pinapangako na benepisyo, na tulong, na suporta, na dapat binigay ng pamahalaan sa iba’t-ibang sektor ay dapat ibigay na kumpleto na hindi nagrereklamo ang iba’t-ibang sektor. Nabanggit kanina ang PWD. Ganyan din ang PWD. Dapat sila’y hindi naiiwanan at mag-isip po tayo ng iba’t-ibang paraan ng sila ay makapag hanapbuhay at matulungan ang kanilang mga sarili at matulungan ang lipunan at ekonomiya ng Pilipinas. Hindi man ako abogado, pero mayroon akong training sa economics at nakakaunawa tayo sa paglago ng ekonomiya at iyan ang pangangailangan natin ngayon sa Pilipinas. Ang pampaganda ng ating ekonomiya, pampadami ng trabaho, at pagbaba ng presyo ng bilihin. Lahat ng mga serbisyo na dapat ibibigay sa taong bayan dapat na nating isagawa para makatikim naman ng kaunting ginhawa man lang ang ating mga kababayan.

Q: Kung kayo ay mahalal bilang bise presidente, mayroon pa ba kayong hindi nababanggit na plano niyong gawin o isang kakaibang proyekto na plano niyong irekomenda kung sino mang pangulo ang mahalal ngayong 2016?

BBM: Ang aking iniisip ay dahil ang tinatakbo ko ay bise presidente, ay sa palagay ko ang dapat nating tingnan kung ano ang maaari nating gawin para pagandahin ang buhay ng bawat isang Pilipino at hindi mo na kailangan ng bagong programa. Hindi na nangangailangan ng bagong polisiya, hindi na nangangailangan ng bagong batas. Dahil sa aking palagay, halimbawa, kapag tinatanong sa akin kung ano ang department na hihingiin ko kung sakali, ang lagi kong sinasabi ay DOLE. Dahil sa aking pananaw, na wala tayong pangangailangan na bagong programa, bagong polisiya, bagong batas. Kailangan lang natin pagandahin ang pag-uugnay ng partnership ng private sector at public sector. Kailangan 90% ng mga empleyado ay nasa private sector. Kaya kailangan maganda ang pag-uusap at coordination ng government at saka ng private sector. Halimbawa, sa imprastraktura, iyan ang dapat nating pakinggan, ang mga negosyante. Sa darating na limang taon, sa darating na sampung taon, ano ang kailangan ninyo para sa programa ng imparastraktura ng pamahalaan.

Pangalawa, yung ating laging sinasabi na pagdagdag ng trabaho. Kailangan natin ng malaki na investment sa imprastraktura. At hindi lamang na kalsada at tulay, kung hindi pati na ang mga eskwelahan, pati na ang mga ospital, pati na ang mga powerplant, pati na ang mga water system natin, pati na ang internet natin na pangalawang pinakamabagal. Napakaimportante ang negosyo. Kaya marami tayong magagawa at marami po tayong maitutulong para pagandahin ang buhay ng ating mga kababayan. Ang pagsasama, amg pagkakaisa, ang pag-uugnay ng gobyerno at saka ng private sector, iyan ang pinakaimportante kasi po kailangan ang pamahalaan ang maghanda para sa ating labor force. 1.2 million ang mga graduate bawat taon. Kaya kailangan nating paramihin ang mga trabaho. Kailangan nating palawakin ang ating ekonomiya. Kailangan natin bigyan ng suporta ang ating mga negosyante para makapaglaki sila ng kanilang mga proyekto para dumami ang trabaho. Iyan ang mga iba’t-ibang bagay na kailangan nating tingnan.

At ang proteksyon natin para sa mga OFW dahil bakit nating sinasabi na sila ang mga bagong bayani? Ngunit, mayroon tayong laglag bala, mayroon tayong iniinspeksyon na balikbayan box. Pagka may problema, hindi natin sila masyadong natututukan dahil ang pondo na binibigay para sa ating mga OFW. Ang OWWA may pondo 18 billion. Hindi pa natin malaman kung saan ginagamit yun at nandiyan nakaupo lang.

At ang isa pa ay kailangan nating tingnan ng mabuti yung tinatawag na contractualization na ginagawa ng mga malalaking korporasyon. Diyan sa pamamagitan na iyan hindi nabibigyan ng tamang benepisyo ang mga manggagawa, Kaya kailangan po nating proteksyonan an gating labor force para naman mayroon silang security of tenure. Alam nila kung sila’y matutuloy o employed pa rin ng ilang buwan. Kaya iyan po ang dapat unahin sa aking palagay na kaya nating gawin in the first 100 days of the next administration. Lahat po iyan ay kaya na nating gawin. Bilang bise presidente, ipropropose ko, ipapaliwanag ko kung papaano nating magagawa iyan para tulungan an gating mga kababayan.

 Q: Ang una ko pong tanong paano niyo po maiimplementa ang mga batas sa paglaban sa mga kriminalidad at droga? Ang pangalawa ko pong tanong, mayroon po kasing isang kandidato na napakalaki ang tiwala sa sarili na kapag hindi daw niya mareresolba ang pagsugpo sa kriminalidad at droga, ibibigay daw sa inyo. Ang tanong ko po, handa na po kayo maging vice president ni Mayor Duterte?

BBM: Maraming nagtatanong niyan eh. Sabi nila paano ka magiging vice president eh hindi mo kapartido ang presidente? Tingnan natin. Unang-una, si Sen. Miriam partner ko, talagang magkasama kami. Si Vice President Jojo Binay, tiga Norte iyan at natural ally kami at hindi naman magiging problema. Si Mar Roxas ay matalik na kaibigan at ang asawa ko ay pinsan, kaya pwede kaming mag-usap at pwede kaming magtrabaho. Si Mayor Duterte matalik kong kaibigan. Si Sen. Grace kapatid ko. Biro lang.

Ang unang-una kong gagawin kapag naproklama na bilang bise presidente ay pupuntahan ko ang pangulo. Sasabihin ko kahit magkapartido man tayo o hindi, ako’y nandito handa na tumulong sa inyo, handa na mag partner sa inyo para pagandahin ang mga buhay ng taong bayan. *crowd cheers*

Q: Inaudible question about a hero’s burial for Ferdinand Marcos Sr.

BBM: Hindi natin malalaman hanggang makita natin ang resulta ng halalan. Ang mga ibang presidential candidate nagbigay na ng kanilang desisyon. Hindi pa nagbago ang desisyon ng pamilyang Marcos at simpleng-simple lang ang aming pananaw. Sa aming pananaw, may karapatan ang aking ama dahil siya ay naging sundalo. Pangalawa, bilang isang pangulo at ang pinakamahabang nagsilbi na pangulo, Ngunit, iyan ay hindi ngayong isyu na iniisip ng tao. Iyan ay darating at darating iyan. Sana naman dumating ang panahon at kilalanin at bigyang respeto ang kanyang karapatan na ilibing sa Libingan ng mga Bayani.

Q: Given a chance na kayo ay mahalal bilang vice president, ano po ang programs niyo kontra sa illegal drugs and criminality?

BBM: Malaking bahagi ng criminality sa illegal drugs talaga dahil nakikita nga natin ang bagong development ngayon. Noon, sinasabi natin sa mga malalaking Intsik lang iyan. Ngayon, nakikita na natin kahit sa mga bukid ay may nagbebenta na ng droga. Dapat, unang-una, kilalanin natin ang problema ng ilegal na droga ay hindi problema lamang ng pulis. Ang problema na iyan ay problema ng lahat ng lipunan. Kaya sa aking palagay dapat lahat ng sektor ng lipunan ay magkaisa sa problemang iyan. Unang-una, kailangan din nating tulungan ang ating mga pulis. Kailangan natin bigyan sila ng mas maginhawa na buhay para hindi sila nasasangkot dito sa pagbebenta ng ilegal na droga. Mayroon pa tayong nakikilalang pulis, marami po tayong kilalang pulis na iskwater. Iyan ay simpleng-simple lamang. Kung bibigyan ng pabahay ng ating pamahalaan, napakaliit naman hindi magkasya, hindi naman magagamit. Kaya kailangan maging seryoso tayo sa pagbigay ng suporta sa ating mga kapulisan, hindi lamang sa dagdag sweldo, hindi lamang sa dagdag pabahay, kundi pati sa kanilang training, sa kanilang gamit, at sa kanilang pag-aaral at pagsasanay. Iyan ang para sa mga kapulisan.

Tungkol sa ilegal na droga, ang nakikita kong problema na sa values formation. Dahil pag inaaralan ang mga iba’t-ibang bansa, ang kanilang mga ginagawa para labanan ang tinatawag ng Amerika na ‘war on drugs’, iba-iba ang nagiging resulta. Ang nagastos na ng Amerika para labanan ang ilegal na droga, hindi milyon na dolyar, hindi bilyon na dolyar, trilyon na na dolyar ang nagastos na nila pasama ng pasama pa din ang sitwasyon. Tinitingnan po natin ang ibang bansa na hindi ganun kalaki ang pondo laban sa ilegal na droga, ang nakikita natin ay matibay ang pamilya. Napaka importante na matibay ang pamilya kaya kailangan sa paglutas ng problema na pagbebenta ng ilegal na droga, kailangan natin lahat ng magulang, pati mga guro, pati pamilya, pati na ang simbahan at kasama na siyempre diyan ang mga pulis, mga prosecutor natin, ang mga judge natin.

Kailangan din natin makipag ugnay dahil ang drugs ngayon ay international crime. Kaya kailangan natin makipag ugnay sa ating mga kaibigan sa mga iba’t-ibang bansa para mapag usapan naman natin ano ang kanilang impormasyon para magamit natin. At alam naman natin kung sino ang mga drug lord. Kilala na natin kung sino sila. Dapat imbestigahan na sila ng mabuti, kasuhan na sila. Kailangan buo ang loob natin kung aayusin natin ang problemang ito. Kahit sila ay mayaman, kailangan natin silang habulin. Ako naman ay hindi bumoboto para sa death penalty noon, pero sa palagay ko sa laki ng pagsisira nila sa lipunan, dahil ang binibiktima nila ay ang kabataan. Kapag binibiktima ang kabataan, ang ibig sabihin ay sinisira nila ang kinabukasan ng Pilipinas. Kaya sa ganung klaseng pagsasabak sa ating lipunan ay dapat siguro ang death penalty para sa mga ito.

Back to Blog