Q&A University of Caloocan City Political Science Department Forum

Bongbong Marcos Bangsamoro Q&A University of Caloocan City Political Science Department Forum 01

Q: Senador, meron lang po akong gustong linawing mabuti sa BBL. Sa inyo pong palagay, senador, ito po bang BBL, sa inyo lang po, ito po ba talaga ang solusyon sa peace sa Mindanao, sa ating Muslim Mindanao?

Sen. Bongbong: Sa aking pananaw, ito’y bahagi ng solusyon. Ngunit kung ito lang ang ating gagawin kulang pa ito. Ang lagi namang nagiging problema ay yung pakiramdam ng mga Muslim na Pilipino, ay sinasabi nga nila na sila’y under-represented and that their areas are under-developed.

Dahil kung tutuusin ang mga probinsya sa Muslim Mindanao mas malapit sa Indonesia kaysa sa Manila. Kaya kung minsan, ang experience ko, I was in Tawi-tawi, may kasama ako. Sabi nya aalis muna ako, magdi-dinner muna. Pumunta ng Indonesia, nag pump boat. Nung umaga nandun na naman, kasama ko na naman nag-almusal.

Kasi ganun lang kalapit. Kaya’t ang pakiramdam nila nakakakuha sila ng serbisyo hindi sa Maynila kundi sa iba’t-ibang lugar. And you have to remember na meron pa tayong claim sa Sabah, which is part of Malaysia. Meron pa tayong claim sa Sabah. The Sultanate of Sulu considers Sabah as part of the Sultanate of Sulu and as part of the Philippines.

Kaya’t sa dami ng nangyari, sa ilang taon, ay naging kumplikado ang relasyon ng Muslim Mindanao sa Manila. So kagaya ng sabi ko, siguro isang pamamaraan ito na maibigay natin sa ating mga kapatid na Muslim ang tinatawag, what is called—the single principle that is important here is the principle of self-determination. Na kailangan, dahil iba ang Muslim , iba ang kanilang kasaysayan, iba ang kanilang relihiyon, iba rin ang kanilang batas—kaya’t yung kaibahan na yan ay kailangang kilalanin ng pamahalaan. And this is one way of doing it.

But beyond that, we have to put force behind our words at talagang tulungan ang Muslim Mindanao. And I think only in that way we will we be able to see true peace come in Muslim Mindanao.

Q: Marami pong salamat. Kasi po, kaya po naman ko naitanong yun kagalang-galang na Senador, kasi po yung mga estudyante ko minsan po tinatanong ko sila kung pabor sila sa BBL—yan pong Bangsamoro Law na ya, at hindi sila makasagot, at marami po sa kanila ay ayaw. Kaya siguro po dyan sa inyong ginawang paliwanag ….?

Sen. Bongbong: Bakit ayaw? Para malaman ko rin at maisama natin dito sa usapan ng BBL.

Q: Kasi po, isa pong kadahilanan yung nalalaman po nila, na pag binigyan po natin sila ng Bangsamoro—parng katulad po ng sinasabi ninyo na parang magiging isang estado—yun po agad ang alam ng mga bata, na magiging separate sa ating bansa. So katulad po nung inyong kaninang halimbawa, yun pong Bangsamoro police na ito ay nasa pangangasiwa ng Chief Minister. So ang tanong po nila, minsan po ng aking estudyante, ito po ba ay yung Bangsamoro Police ay pwedeng ma-under ng Director ng National Police. At saka yun pong mga kasundaluhan natin—katulad ng kanilang mga grupo na mahahaba ang armas, na parang mga kasundaluhan nila, yun po raw ba ay magiging under ng ating Presidente as Commander-in-chief of the Republic of the Philippines?

Sen. Bongbong: Marami talagang lumitaw na tanong lalo na nung nangyari yung Mamasapano at yun ay talagang napakalaking trahedya na nangyari sa atin. Kaya nagkaroon kami ng inquiry kaagad  at sinuspendi ko muna ang pag-uusap at pagdinig sa Senado tungkol sa BBL. Dahil nga ito ay kailangan nating tingnan na mabuti, kung anong nangyari, malaman kung sinong nagkamali, anong pagkukulang, anong kailangang ayusin, para pagpasa ng BBL ay makikita natin matibay na matibay na ang mga mekanismo para hindi na mangyari uli yun.

Kasi isang problema, yung sa Bangsamoro police ang original na concept, ang sinasabi nila yung Bangsamoro police ay sino ang magiging Bangsamoro police? Sabi nila yung mga dati nilang fighters na gagawin nilang police. Ngayon nung nangyari sa Mamasapano, anong sasabihin ng kapwa pulis? Na sinasabi baka yung ginawa ninyong pulis ay involved dun sa pagpatay sa 44. Ay hindi naman siguro tatanggapin ng PNP yun, kaya’t gulo yan. Kaya’t kailangan nating ayusin yung mga detalyeng ganyan.

And those are the things that we are now trying—as a result of the inquiry that was conducted in the House, in the Senate, yung mga natutunan nating mga leksyon dito sa pangyayaring ito, para hindi na maulit, ay yun ang gagawin natin. Kaya natin sinasabi na itigil muna natin ang hearing sa BBL, alamin muna natin kung anong nangyari sa Mamasapano.

Sa ngayon inaantay namin ang mga resulta ng inquiry ng pulis, ng MILF, pati na yung committee report sa Senado.

Q: Marami pong salamat.

Bongbong Marcos Bangsamoro Q&A University of Caloocan City Political Science Department Forum 02

Q: Magandang umaga po Mr. Senator. My name is Jeffrey Madla from AB Political Science. Me tanong po ako: magkano po ba ang budget na ibibigay dun po sa BBL? Paano po kukunin at saan po kukunin?

Sen. Bongbong: Ang mangyayari kasi, the Bangsamoro government will take over yung ARMM. Yung ARMM ia-abolish na. Kaya’t isa sa problema ito. Dahil yung ARMM ay naging bunga naman ng negosasyon ng Republic of the Philippines at saka MNLF—yung unang organisasyon. Yung MNLF, dahil yun ang kanilang na-negotiate, kaya nagkaroon ng ARMM.

Ngayon nagkaroon tayo ngayon ng agreement sa MILF, kaya’t nagrereklamo yung MNLF. Kaya nagkaroon ng gulo sa Zamboanga, kaya pinasok ang Zamboanga nung nakaraang taon ay dahil sinasabi ng MNLF, me agreement na kami. Ano ngayon ang mangyayari dun sa agreement namin? Basta’t iaa-abolish nyo na lang ang ARMM e yun ang pinaghirapan namin. Kami ang nag-negotiate nyan, kung hindi sa amin hindi nagkaroon ng ARMM. Kaya yung ang nagiging kumplikasyon dito sa BBL.

Ang mangyaryari sa BBL, ay iaabolish ang ARMM—yun ang proposal, iaaabolish ang ARMM, yung budget ng ARMM ay mapupunta sa BBL. Sa kasalukuyan ang annual budget ng ARMM ay mga P24 Billion, kulang kulang P24 Billion. So iti-take over ng Bangsamoro government yun, so meron silang budget na taon-taon ay P24 billion.

Ang susunod dyan ay meron silang na-negotiate na basta’t may lumpsum payment every year ng 4 percent, yung ating national collection 60 percent of that goes to national government, 40 percent goest to local governments—yun ang IRA na tinatawag, Internal Revenue Allotment. Yung IRA na yan 40 percent nga pumupunta salocal government, 60 percent sa national government.

Sa agreement na ibinigay sa amin ay meron pang karagdagan—bukod pa sa budget na 24 billion—meron pang 4 percent lump sum payment—4 percent of the 60 percent so bale 2.4 percent lahat-lahat ng buong collection ng Pilipinas ay dadalhin dun.

So we are talking—ang sabi sa atin ni Butch Abad—ang 2.4 percent ng budget ng collection is P52 billion. So pag pinagsama-sama mo lahat yun, that’s more than P75 billion every year. Kaya’t napakalaki. Marami ngang nag-aalangan, sabi mas malaki ang budget ng isang region kaysa sa buong Mindanao, kaysa sa buong island grouping. Kaya’t nagtataka ang ibang LGU kung panong nangyari yun.

Pangalawa, besides that, there is also—sa LGU meron tayong tinatawag na share in the national wealth. Ibig sabihin pagka may minan dun, yung pinagkikitaan, kailangan naman meron maramadaman ang mga lokal. Ang sharing dyan is only 30 percent with the local, 70 percent to the national.

Pero sa national wealth ng Bangsamoro, depending on what national wealth you are talking about, ang share ng Bangsamoro is 75 percent to 100 percent. Kaya’t sabi ng ibang mga LGU ay bakit ganyan?

Ang biro ko nga sa kanila, ang sabi ko ihihiwalay na namin yung Ilocos, lalaban na rin kami, baka makakuha kami ng ganyan kalaking budget. Dahil parang you are rewarding people who have waged war against the government. So that is another big issue na lumabas—na yung mga LGU ay nagrereklamo, sinasabi nila that’s not right. Bakit kami ganyan, bakit sila iba? So yun ay pinag-uusapan pa rin.

But as it stands, kung wala tayong papalitan sa draft Bangsamoro Basic Law, ang magiging budget ay P75 billion plus, para sa annual budget—P75 billion every year. Kasama pa dun yung mga share sa national wealth, kukunin sa IRA at kukunin yung ARMM budget.

Q: Thank you po Mr. Senator.

Sen. Bongbong: Nung una naming inilabas yang mga numero na yan nagulat ang mga LGU. Wala namang region dito sa Pilipinas na may budget na P75 billion. Wala namang probinsya na may budget na magkakaroon ng budget na P75 billion.

May maidagdag pa ako, yung P75 billion ay para sa Bangsamoro government. Yung bawat probinsya at saka bayan na nasa ilalim ng Bangsamoro government ay tuluyan pa ring tatanggap ng kanilang IRA share. So kung ano ang ibinibigay ng gobyerno dun sa 40 percent naman na IRA share ay tuloy pa rin na ibibigay. Kaya’t marami silang makukuha pagka nasunod yung unang draft bill ng BBL.

I’m sorry meron lang akong gustong idagdag.

Bongbong Marcos Bangsamoro Q&A University of Caloocan City Political Science Department Forum 03

Q: Magandang tanghali po senador. Ako po si Bernabe Pagos, alumni po ng Caloocan Polytechnic University. Ang tanong ko po, kasi po dun sa interview kay Mr. Iqbal, yung spokesman ng MILF, madalas pong sinasabi na ang binabanggit dun na ang Mindanao ay hindi parte ng Pilipinas, na acquire lang ito nung during American colony. Hindi ho kaya yung BBL ay maging prelude para ma acquire nila yung independence na inaasam nila.

Sen. Bongbong: Isang pangamba nga ito na kinakatakutan ng marami: baka ito ay unang hakbang lamang para ihiwalay ang Bangsamoro sa Republic of the Philippines. Kaya’t siguro pinapatibay natin sa BBL, at kailangang patibayin—yun ang isang pagkukulang siguro ng BBL na masasabi natin—na hindi maliwanag na hindi ito maging unang hakbang para ihiwalay ang Bangsamoro territory sa Pilipinas.

Dahil ang laban natin sa MNLF noon, ang laban ngayon ng MILF, ay dahil sa secession, gusto ngang humiwalay. At meron tayong mga halimbawang nakikita sa ibang bansa, nung nagkaroon na ng sariling substate.

Sa Espanya recently, bomoto yung Cataluna—80 percent ng parliament bomoto na maghiwalay na sa Espanya. Ngayon wala namang talagang mangyari kasi hindi talaga sila pwedeng humiwalay. Pero malaking bagay yun sa pag-iisip ng taga sub-state na Cataluna na sinasabi ang pakiramdam nila ay hindi na sila bahagi ng Espanya.

Baka ganun nga ang mangyari sa atin. At ito ay isang isyu na madalas mapag-usapan at madalas na pinagdebatehan, kaya’t ang aming magiging solusyon dyan ay maglalagay ng amendment sa BBL para tiyakin na hindi ito magiging hakbang para sa darating na taon ay magiging secessionist ang Bangsamoro territory at humiwalay sa Pilipinas.

Q: Ang pangalawa ko pong tanong, bakit po Malaysia ang kumbaga namamagitan? Hindi ho ba conflict of interest sa Malaysia yun dahil meron ho tayong claim sa Sabah?

Sen. Bongbong: Talaga.

Q: Hanggang ngayon ho hindi pa patay yung claim na yun?

Sen. Bongbong: Ako, sang-ayon ako sa iyo. Hindi ko maintindihan kong bakit nasa gitna ang Malaysia. Kasi ang sinasabi tumutulong daw sa negosasyon ay Malaysia. Usually, maaari yan e, pagka may naglalaban, may negosasyon para peace negotiation, merong pumapasok. Halimbawa yung Israel saka Palestine, ang naging parang middle man ay Norway, kaya nakalagda sila ng Oslo Agreement. So normal yun.

Pero ang Norway walang interest sa Israel at walang interest sa Palestine kaya’t ang interest lamang nila ay makahanap ng ayusan para hindi na mag-gyera yung Israel at saka yung Palestine. Sa sitwasyon natin ang inilagay na middle man ay ang Malaysia. They are not an objective observer, they are a party in interest. Me interest sila e dahil gusto nilang harangin yung ating claim sa Sabah, dahil kinukuha natin yung sa Malaysia yung Sabah, kaya’t lalabanan talaga nila’t lalabanan.

Kaya’t hanggang ngayon hindi ko maunawaan. Nung umpisa ang middle man was Indonesia, sila ang tumutulong sa negosasyon. Wala akong problema dun. Walang interest ang Indonesia na may kukunin, o may hihiwalay—wala silang interest. At malapit nga naman sila sa mga Muslim sa Mindanao.

Pero hindi ko masyadong maintindihan, napasok ngayon ang Malaysia. I do not think that Malaysia can possibly be an objective observer. I do not know how they became the middle man between the Republic of the Philippines and the MILF when they are a party in interest.

In fact I’ll even go further, merong nagsususpetsa na involved ang Malaysia sa mga nangyayari, dahil ayaw nilang maayos. Dahil pag naayos yun bibigyan na natin ng pansin, maaalala na naman natin yung Sabah claim. Kasi ang pinaka-maraming populasyon na nasa Sabah ngayon ay Pilipino. Dahil para sa mga taga-South kasama talaga sa lupa nila yan. May pamilya sila dun, meron silang pag-aari dun, matagal na silang nakatira dun.

So that has been a bit of a mystery to me. I do not know how we will address it dito sa BBL. Pero kailangan talaga maunawaan ng mabuti kung bakit Malaysia ay ang gumigitna e sila naman ay may interest na, actually na matuloy itong gulo, para nga hindi mapunta sa Sabah. Kaya’t yes, that is a question that we have not yet received a proper answer to. I’m afraid we cannot address the system of negotiation in the BBL.

But it’s good that the debate is on-going. Mabuti’t natatanong nyo yan, mabuti at napapag-usapan ninyo yan para mas maganda ang pag-unawa natin sa sitwasyon sa Mindanao para nga ay ang ating layunin pa rin ay ang kapayaapaan para doon.

Q: Sir, good morning po. It’s our pleasure na magtanong po sa harap po nyo Senator Bongbong Marcos. I am Rustom Dantes from AB Political Science 2nd B. So first my first question sir: peace without justice is not peace. I believe in that sir. Ang kapayapaan na walang hustisya ay hindi po maituturing na kapayapaan. Ang nangyari po sa Mamasapano ay isang malinaw na patunay na hindi po sinsero ang MILF sa usaping pangkapayapaan. Ngayon sir, kung mapasa po ang BBL, hahayaan po ba natin na maipasa muna ito bago lumabas ang katotohanan at ang hustisya para sa ating SAF 44? Hahayaan po ba natin na maging hilaw po ang usaping pangkapayapaan?

Sen. Bongbong: Talagang totoo yan. Hindi magkakaroon ng tunay na kapayapaan kung walang katarungan. Hindi ko makakalimutan nung sinalubong namin yung mga bangkay na galing Mindanao sa Villamor Airbase, at nakakausap ko yung mga pamilya na naiwan ng mga namatay na SAF trooper. Wala silang hinihingi na benepisyo, wala silang hinihingi na scholarship, wala silang pinag-uusapan na ganun—ang hinihingi lang sa ating pamahalaan ay ang katarungan. Kaya’t maliwanag na maliwanag: there cannot be peace without justice.

So pagka sinasabi basta ituloy na lang yung BBL, hindi maaari. Dahil nangyari talaga ito e, at kailangan nating bigyan ng pansin. At on a very practical level, we have to make sure na hindi mangyari ulit. Kaya’t kailangan pag-aralan ng mabuti kung ano ba talaga ang nangyari sa Mamasapano, at pag-aralan ng mabuti kung saan nagka-problema. Dahil hindi dapat nangyari yan e. Dahil may mga proseso para pag sabi, pag may papasok na pulis, pag may papasok na sundalo, ay may usapan para hindi sila magka-engkwentro ng mga iba’t-ibang pwersa.

Pano nangyari? Dahil ang nangyari, ang putukan nagsimula ng mga alas kwatro, alas kwatro medya ng Linggo, 25 January. Ang countepart ng Philippine government 5:30 pa lang ng umaga tumatawag na sa kanilang MILF na counterpart. 5:30, 6:30 nag-uusap na sila. Pero ang ceasefire, natigil ang putukan—sa MILF side anyway—alas kwatro ng hapon.

So between 5:30 and 4:00 o’clock—that’s 10 and ½ hours. By that time, by 4:00 o’clock, nung natigil ang putukan, yung 44 patay na. Tanghaling tapat pa lang patay na e. Siguro nakita nyo yung video—ang hirap panoorin—yung binaril na 2 beses yung isang SAF. Yun tinitingnan kasi namin, pinag-aaralan namin kung saan yung araw. Tanghaling tapat yun—siya na yung last na pinatay. So tanghaling tapat, one o’clock approximately nangyari yun.

So kailangan nating makahanap ng pamamaraan para hindi na ulit mangyari ulit yun. Para imbes na 10 and ½ hours ang inantay bago nagka-ceasefire ay dapat maging 10 and ½ minutes para mas maganda, hindi na magkakaroon ng ganung klase.

Kaya’t hanggang ngayon tinatanong pa rin namin. Dun sa hearing namin lumabas, na yung commander ng MILF camp, a certain Commander Goma, ay by 11:30 Sunday morning alam na nya na ang kaharap ng tropa nya ay government forces. Pero tuloy pa rin ang putukan for another 5 hours.

Hanggang ngayon hindi pa natin makuha ang paliwanag ng MILF dahil—balik tayo dun sa kaninang tanong—yung board of inquiry ng MILF hindi ibinigay sa amin, dinala sa Malaysia. Kaya’t nagkakagulo-gulo ngayon. Sabi namin e kailangan namin yung report ninyo.

Kaya makikita natin may pagsasama, may usapan ang MILF at saka yung Malaysia. Kaya’t babalik nga tayo dun sa puntong yun, ay talagang hindi dapat Malaysia ang nagre-referree sa ating negosasyon.

Kaya’t dun sa pangyayaring ito ay maraming pananagutan—syempre meron ding pananagutan ang pamahalaan ng Pilipinas pero may pananagutan din ang MILF. Kaya’t nung nangyari ito ay hiniling ko sa kanila, para maibalik natin ang tiwala ng taong bayan sa proseso ay dapat ang gawin natin ay ibalik ninyo yung mga baril na kinuha ninyo dun sa mga patay.

Pangalawa, tulungan ninyo kami na hanapin yung Usman—yung isa pang wanted na terrorist. Tulungan ninyo kami na hanapin siya.

Pangatlo, ipaliwanag ninyo na mabuti kung ano ba talaga ang relasyon ng MILF at saka ng BIFF.

E ibinalik nga yung baril–ilan ba ang ibinalik—16 lamang of the halos mga 50 na bagay na armas ang ibinalik, sira-sira pa, dahil siguro kinanibalize. Kaya’t yung MILF ay kailangan talaga nating malaman sa kanila kung ano ba talaga ang balak nila. Dahil itong gestures of good faith na hinihiling natin sa kanila ay hindi pa natin masyadong nakukuha.

Si Usman hinahanap pa. Sinasabi nila na ang MILF at BIFF ay hindi raw magkasama. Sabi namin sa kanila hindi sapat na sasabihin ninyo hindi kayo magkasama, kailangang patunayan ninyo.

Kaya’t napahaba itong proseso. The gestures of good faith from the MILF are necessary. That is going to be the first part to regain the confidence in the peace process.

Q: Thank you very much sir!

Back to Blog