Puso at isipan ang unang dapat i-ready ni ‘Juan’ sa pagdating ng Santo Papa

Masuwerte ang Pilipinas. Bakit ‘kamo? Kasi tuluy-tuloy ang mga kabanalan na nararanasan natin. Halos hindi pa nawawala sa dila natin ang lasa ng menudo at fruit salad na kinain natin noong Pasko, heto at bisita naman natin ngayon si Pope Francis.

Aba’y magkasunod na selebrasyon ‘yan bilang Katoliko Romano. Pero don’t worry, hindi kailangang maghanda ng katakut-takot na pagkain sa pagdating ng Santo Papa, ‘di tulad noong Pasko at Bagong Taon. kaya ‘wag matakot na madadagdagan muli ang timbang natin.

Ano ba dapat ang ihahanda? Hindi hapag-kainan kundi ang ating puso at isipan.

Buksan ang puso upang tanggapin ng buong pagpapakumbaba ang walang kapantay na pagmamahal ng Poong Maykapal. Buksan ang isipan upang maunawaan ang Banal na mensaheng hatid ng Santo Papa.

Kung tutuusin, simple lang ang mensahe ng Santo Papa. Ibigin ang Diyos nang higit sa lahat at kalingain ang kapwa lalo na ‘yung mga dumaraan sa matinding pagsubok sa buhay. ‘Yun lang, okey na kay Pope.

Noong mabalitang bibisita si Pope Francis sa Pilipinas, bigla na lang tayong nagkaroon ng malaking interes sa Kanyang buhay. At nalaman natin na talagang maka-masa siya. “The People’s Pope” ang tawag sa Kanya ‘di ba?

Talagang nagbibigay siya ng pag-asa sa lahat lalo na ‘yung mga hopeless and helpless, ‘ika nga. Kaya ang pakiusap ni Pope, magsilbi tayong pag-asa sa mga tulad nila.

‘Di ba, tayong mga Pilipino ay nagkaroon ng pitak sa Kanyang puso? Umagos ang Kanyang awa sa mga sinalanta ng Bagyong Yolanda kaya ipinagdasal Niya tayo at hiniling sa buong mundo na ipagdasal at damayan ang mga tinamaan ng trahedya.

Tayo mismo ay saksi sa Kanyang kababaang-loob. Noong nakaraang taon, face-to-face nating nakaharap ang Santo Papa sa Roma at nakita natin kung paano Niya pinapahalagahan ang masa.

Talagang humihinto siya at nakikipag-usap sa mga ordinaryong tao. ‘Pag may nakita siyang bata o taong naka-wheelchair o halatang may karamdaman, aba’y hinihintuan Niya at kinakausap. Nararamdaman Niya ang buhay ng mga mahihirap at nahihirapan.

Noong nasa harap na natin siya, ang nasabi na lang natin, “I’m from the Philippines.” At sumagot siya. Sabi niya, “Enero, Enero.” ‘Yun nga, bibisita siya ngayong Enero. Natulala na tayo. Pati ‘yung isinulat ng ating maybahay at anak ko na sasabihin sana , ‘di na nasabi kasi na-starstruck kami!

Sana magkaroon tayo ng pagkakataon na makaharap si Pope Francis dito sa atin. Isa lang ang gusto nating sabihin sa Kanya: “Thank You for the lesson of humility.”

Napaka-humble ng Santo Papa. Simpleng-simple ang Kanyang pamumuhay, tulad ng ordinaryong tao. At hindi trying hard ang dating, sincere ‘yun.

Sa lahat ng Pope na nakilala natin, si Pope Francis ang masasabi nating Rock star ang dating!

Ang pagbisita ni Pope Francis ay isang banal na pahina ng ating kasaysayan. Kasabay ng ating pagbubunyi ay taimtim nating isapuso ang Kanyang aral at isabuhay ang Kanyang mga halimbawa.

This article was published in Bulgar on 17 January 2015. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog