Programa sa pagdami ng trabaho dapat maikasa ng bagong admin sa unang 100 araw

Sa pagpasok sa labor force ng bansa ng tinatayang 1.2 milyong graduates ngayong taon, sinabi ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na dapat maikasa sa unang 100 araw ng susunod na administrasyon ang programa para dumami ang trabaho sa bansa.

Kung wala umanong mga ganitong programa hindi halos mababago ang sitwasyon sa kakulangan ng trabaho sa bansa, ani Marcos.

Tinukoy ng senador ang pagtaya ng mga analysts ng Trading Economics na nagsabing kung walang mga bagong programa, mananatili sa 6 porsyento ang unemployment rate sa bansa hanggang 2020.

“Kaya kailangan nating paramihin ang mga trabaho. Kailangan nating palawakin ang ating ekonomiya,” ani Marcos.

Matagal nang isinusulong ng senador ang pagbubuhos ng pondo ng gobyerno sa “business-driven” infrastructure na magbibigay mga kinakailangan ng pribadong negosyo para lumaki at lumago.

“At hindi lamang mga kalsada at tulay, kung hindi pati na ang mga eskwelahan, pati na ang mga powerplant, pati na ang mga water system natin, pati na ang internet natin na pangalawang pinakamabagal sa buong mundo,” ani Marcos.

Tinuran ni Marcos na importante ang Internet sa negosyo dahil sa ngayon mas marami nang transakyon ang nagaganap sa Internet kaysa sa karaniwang bentahan sa mga tindahan.

Bagamat mahalagang bigyan ng tamang kondisyon para lumago ang pribadong negosyo hindi rin dapat makalimutan ng gobyerno ang pagbibigay ng karampatang proteksyon sa ating mga manggagawa, giit ng senador.

Partikular na tinututulan ni Marcos ang kontraktwalisasyon at sinabing dapat ipatupad ng mahigpit ang mga batas laban dito.

“Kaya iyan po ang dapat unahin sa aking palagay na kaya nating gawin in the first 100 days of the next administration. Lahat po iyan ay kaya na nating gawin. Bilang bise presidente, ipropropose ko, ipapaliwanag ko kung papaano nating magagawa iyan para tulungan ang ating mga kababayan,” ani Marcos.

Back to Blog