Preparasyon sa pagtakbo bilang VP tinabla muna ni Sen. Bongbong para suportahan ang ina

Read the English version here.

Bagamat nahaharap sa pinakamalaking hamon sa kanyang buhay pulitika, binitawan muna ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang puspusang paghahanda para dito upang ipakita ang kanyang suporta sa kanyang inang si dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos.

Lumipad patungong Laoag City ngayon ang senador upang samahan si Mrs. Marcos sa pagpa-file ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa opisina ng Commission on Elections sa lungsod para sa pagtakbo sa ikatlong termino niya bilang kinatawan ng second district ng Ilocos Norte.

Matatandaang hindi inalintana ng 86-anyos na si Mrs. Marcos ang kaguluhan dahil sa pagdagsa ng media at mga supporter ng mga pulitiko sa punong tanggapan ng Comelec para lamang samahan si Sen. Marcos nang mag-file ito ng sariling COC noong Martes para tumakbo bilang Vice President.

“Kung tumatakbo ka para sa ikalawang pinakamataas na pwesto sa gobyerno talagang kailangan mo ng puspusang paghahanda. Pero pwedeng maghintay iyon. Una pa rin ang pamilya,” ani Marcos.

Makakasama rin ng senador ang kapatid na si Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa pagpa-file ni Mrs. Marcos ng kanyang kandidatura mamayang hapon.

Bago ito magsisimba muna ang pamilya Marcos sa Immaculate Concepcion Church sa Batac, Ilocos Norte.

Back to Blog